Jumper

30/06/2010 § Mag-iwan ng puna

Maingay na umiikot ang mga de-kuryenteng elesi ng stand fan habang nakatutok sa giniginaw na ako. Itinataboy din nito ang amoy ng pinturang kapapahid lang sa mga sementadong pader. Ako ay nakahiga sa katapat nitong kama. Nalalasahan ko pa ang ginamit kong maanghang na toothpaste bago patayin ang lahat ng ilaw kanina. Ang tanging nakikita ko ay ang ‘glow in the dark’ na mga braso ng wall clock, na nagsasabing mag-a-alas dose na ng umaga.

Pumikit ako’t nakatulog na; o nakatulog muna saka napapikit.

Dahan-dahang huminto sa pag-ikot ang tatlong plastic na elesi; na hindi ko na sigurado kung nakatutok pa rin sa akin. Bigla namang pumreno ang pagtulog ko. Dumilat ako’t sinalubong ng nakapanliliit na kadiliman, kinapa ko ang switch ng ilaw. Hindi sumindi – brown out. Hinanap ko ang mga glow in the dark na braso – alas tres na ng umaga. Tatlong oras na pala ang nakalipas; sa isang kisapmata, sa isang enter.

Hindi ko pa rin halos malaman kung nakadilat ba ako o nakapikit. Pero sa kawalan ng iihip palabas sa mga kemikal mula sa mga pader, nasimulan ko nang maramdaman ang mga pagtusok nito sa aking ilong. Unti-unti na ring sumusulpot ang mga patak ng malalagkit na pawis, dahil sa kawalan ng sapat na bentilasyon. Nawala na rin ang nakasanayan kong mekanikal na ingay. Tila tumigil sa pagsabay sa pagikot ng mundo ang kwarto ko.

Hinubad ko ang suot kong sando at ipinamunas sa pawisan kong katawan. Pagkatapos ay initsa ito sa naalala kong sahig.

Pagkatapos ay biglang sumindi ang ilaw; sa stand fan ko pala naiitsa ang sando ko. Unti-unti na muling umikot ang tatlong de-kuryenteng elesi nito; napangiti ako at naramdaman ang natuyong laway sa paligid ng bibig ko. Inalis ko sa stand fan ang hinubad kong sando at inilagay ito sa sahig. Pinundot ko ang switch para pawiin ang liwanag bago ibagsak ang aking sarili sa higaan.

Kumunot ang noo ko bago muling makatulog; o nakatulog muna bago mapakunot ang noo.

[June 28, 2010; para sana sa MP 173 : / ]

In Defense of Jejemon

12/06/2010 § 4 mga puna

Sikat ngayon ang/mga jejemon.” Iyan ang magiging unang pangungusap ng sanaysay na ‘to, at hindi “Uso ngayon ang/mga jejemon.” dahil, hindi naman talaga ito/sila uso. Kung iisipin nga, mas uso pa na sila ay kontrahin, pagtawanan o kainisan. At hindi naman ganito ang isang usong bagay o tao. Kapag uso, positibo, gusto at mayroon ang karamihan, parang maong pants o cellphone. Kaya “sikat” lang; sa parehong paraan ng kasikatan ni Adolf Hitler at Satanas.

Sa sobrang kasikatan ng mga jejemon ay nanganak na sila ng isa pang “grupo.” At ang tawag ng grupong ito sa sarili nila ay “jejebusters.” Nagu-ugat ang kanilang pagkabuo sa matinding kagustuhang i-bust (o burahin, alisin, puksain, tanggalin, paslangin…) ang mga jejemon.

Pangunahing dahilan ng kagustuhang ito ay ang pagiging iritable nila sa paraan ng pagsusulat/pag-ta-type ng mga jejemon – na s’ya ring pangunahing identidad nila. 6ni2 mG-tyP3 aN9 mH9A J3jeM0n P0Hhwz.~ [Ganito mag-type ang mga jejemon.] Nakakairita nga naman dahil hindi ito madaling maintindihan, saka maari naman silang mag-type nang maayos. Pero, ano naman? Sapat na ba itong dahilan para sabihing mga “bobo” at mga “tanga” sila? At na “nararapat na silang ma-extinct”?

Kapag jejenese (bansag sa “alpabeto” nila) ang binabasa, at hindi maintindihan, ay naiirita, naiinis at nagagalit ang mga jejebuster. Pero paano kaya kung, halimbawa, reseta ng doktor ang hindi nila maintindihan? Paano kung halimbawang hindi na nga maintindihan ang pagkakasulat, ay hindi rin nila maintindihan kung ano nga ba ang kahulugan nung nakasulat? Paano kung matapos ang ilang minuto para i-decode ang reseta ay hindi rin pala nila alam ang kahulugan ng “ketoconazole?” Wala pa namang nababalitang doktor na minura dahil sa reseta, kaya, marahil ay maari nating ipagpalagay na hindi sila magagalit. Palalalain pa natin ang eksena: paano kaya kung may maka-chat silang Pinoy na Japanese characters ang gamit? Magagalit ba sila sa naturang Pinoy, na kahit kaya namang mag-tagalog ay Hapon ang ginagamit? Malamang mairita nga sila sa katagalan, pero sa simula, mas malamang na bumilib pa sila -na pinapatunayan ng kawalan ng negatibong komento sa mga pangalan sa Facebook na naka-japanese characters, at ang pagtangkilik ng marami sa “Your Name in Japanese” na application. O kaya ay ang kamakailan lang na pagsikat ng K-pop. Ang mga jejebuster kaya ay ayaw din sa K-pop? Hindi natin masisigurado, pero siguro alam naman natin kung alin sa dalawa ang mas may positibong feedback…

Isa pang kakatwang halimbawa ng inconsistency na ito ay nagmula sa fan page na “GOTTA KILL ‘EM ALL JEJEMON! :))),” na may mahigit 220,000 fans. Itinuturing kasi nila bilang isang programming language ang “Leet Speak.” Ayon sa fan page: “Leet Speak is different from jeje speak. Leet speak is used by techies.. Leet speak is using alpha numeric symbolic characters to encrypt data and save it. IT IS NOT A JEJE-LANGUAGE.” Para lang linawin, ang leet speak ay iba sa jejemon dahil mas mahirap lang itong basahin – bukod kasi sa magulong ayos ng mga titik at paggamit ng mga numero, ay gumagamit din ito ng mga symbolo (ex: (,),[,^,&,/,\,|, atbp.). At maliban dito ay relatively pareho na sila. Ang leet speak ay nagmula sa salitang “elite” na naung ginamit ng mga “nerd” at “pro-gamers” (hindi programmers) para ma-iba at maiangat sila sa mga “n00bz” na hindi ito naiintindihan. At, pinakamahalaga, hindi ito ginagamit para mag-encrypt o mag-save ng anumang data.

Isa pang hindi gusto ng mga jejebuster ay ang paraan ng pananamit ng mga jejemon. Pinakakilala ang “jejecap,” o yung cap na rainbow-color ang design at bahagya lamang ang pagkakasuot sa ulo. Ang inisyal kong reaksyon dito ay hindi rin maganda, dahil salungat ito sa karaniwang gamit ng isang sombrero, at dahil doon ay medyo naiintindihan ko ang mga jejebuster sa pagtatatwa dito.

Pero bakit sikat si Lady Gaga? Si Lady Gaga rin ay nagsusuot ng mga damit na labas sa karaniwang gamit ng mga ito, hindi ba? (Hindi ko pala masyadong kilala si Lady Gaga kaya si Madonna na lang.) Si Madonna ay nagsusuot ng ala-panty na leotard sa kanyang mga concert, at labas din ito sa karaniwang gamit ng leotard dahil iyo ay ginawa para madaliang kumilos at mapreskuhan ang mga nag-dyi-gymanstics, nag-ba-ballet, nag-i-skating, o sumasayaw. Pero wala namang nagsusumpa kay Madonna dahil dito. Balik tayo kay Lady Gaga, kung tutuusin kasi, ang ka-bonggahan at ang pagiging avant-garde ng pananamit n’ya ay hindi naman maipagiiba sa pagsasabing bongga at avant-garde din ang costume ni Zorro (ng UP Diliman). Pero bakit, katulad ng mga jejemon, walang fans club ang kan’yang fashion sense?

Sa pagkumpara ko ng mga reseta ng doktor, Japanese characters, K-pop, Leet Speak, Lady Gaga, Madonna, at leotards sa mga jejemon, jejenese, jejecap, (at Zorro) ay nalaman kong ang pangunahing pagkakaiba nila ay ang pagiging Kanluranin at pang-mayaman ng mga nauna.

Ang magulong pagkakasulat ng doktor ay tanggap sa kanluran; ang mga medikal na terminolohiya ay nanggaling sa kanluran; ang Japanese characters ay nauuso sa kanluran dahil sa mga Anime; ang K-pop ay ang pagkopya ng mga Koreano sa itsura at tunog ng Hollywood na nasa kanluran; ang Leet Speak ay ang jejemon ng kanluran; si Lady Gaga, at Madonna, ay si Zorro (na marunong kumanta) na nasa kanluran, at ang leotards ay ang jejecap ng kanluran; at, ang pagsulpot jejebusters ay manipestasyon ng kolonyal pa rin nating mentalidad. Ito ang isa sa mga magiging konklusyon ko dahil wala akong ibang makitang dahilan kung bakit hindi kinamumuhian ng mga jejebuster ang mga nabanggit.

Kung kolonyal ang mga jejebuster, siguro ay mas makabayan naman ang mga jejemon. Mas makabayan dahil mas wala ang impluwensya ng ibang bansa – wala naman silang pinaggayahang bansa nito ‘di ba?

At tungkol naman sa pagigigng maka-mayaman ng mga jejebusters: ang mga doktor ay maypera kaya nakapagaral ng maraming taon; ang bansang Hapon ay mas maunlad sa Pilipinas sa kasalukuyan; ang mga Koreano ay mas mukha at mas tunog Hollywood – na kinabibilangan ng mga pinakasikat at pinakamayayamang personalidad; ang Leet Speak ay galing sa Europa at US na mas mayayaman din sa Pilipinas sa kasalukuyan; sina Lady Gaga at Madonna ay dalawa sa pinakamayaman at pinakasikat na mga personalidad sa Hollywood; at ang mga jejebuster ay mga Pilipinong gustong ipamukha sa lipunan ang kanilang posisyon dito. Hindi nagagalit ang jejebusters(o marahil karamihan lang) mga nabanggit dahil mas mataas ang posisyon nila (ng mga doktor, leet speaker, Hapon, Koreano…). Pero ang mga jejemon, na karaniwang binubuo ng kabataang hanggang hayskul lamang ang natapos (ayon sa ibang sanaysay na nabasa ko na tungkol din sa kanila), ay mas mababa ang posisyon, kaya, kaya, maari, at nagagawa ng mga jejebuster na kutyain, pagtawanan, at insultuhin ang mga ito.

Ito rin ang nakikita kong dahilan sa pagpapahayag ng Depertament of Education (DepEd) ng pagtutol sa jejemon. Kung tunay kasing naniniwala sila sa sinasabi nilang nakaka-tanga ang hindi pagsunod ng mga jejemon sa kumbensyonal na barila (grammar), pagbabaybay at paggamit ng mga tanda (punctuation marks) sa mga pangungusap at salita; siguro ay nararapat din na ipatigil nila ang pagtuturo ng free verse poetry na halos nagbubura na ng linya sa pagitan ng prosa at tula; Español, na hindi naman natin wika o wikang unibersal; at abstract art, na nagbubura na din ng linya sa pagitan ng sining at ng isang random na pag-i-scribble sa papel (at mahirap ding intindihin). Pero, dahil ang free verse poetry at abstract art ay kinikilala ng Kanluran; ang Español ay galing mismo doon, at, dahil nga sa kolonyal na pagtingin na at mas tama ang anumang kanluranin, ay hindi sila pinakikielamanan ng mahal nating DepEd (na sa katunaya’y sinusulong pa ang pagbabalik ng Spanish classes).

Ang kaganapang ito ay iyon yatang sinasabi nilang “elitismo” (o ayon lang sa pagkakaintindi ko). Yung pagbibigay ng mga mayayaman at edukado ng kawastuhan at responsibilidad sa kanilang mga sarili; kawastuhan, sa lahat ng kanilang gawi: tamang kaalaman, tamang kultura, tamang itsura, atbp.; at responsibilidad na ilapat ito sa masa. Kaganapang nag-e-endorso ng dibisyon sa lipunan.

Kung tutuusin, simple lang naman ng solusyon sa kainisan ng mga jejebuster; paano ba nila iniiwasang mailto sa abstract art o sa mga librong old English ang wika? Layuan nila. d~ b,~ N0h? AJeJejE

[Hunyo 12, 2010; habang nagkukunwaring nagdiriwang ng kunwaring Araw ng Kalayaan; na-miss ko nang magsulat, ang sarap pa rin! XD]

Where Am I?

You are currently viewing the archives for Hunyo, 2010 at Akdaan.