Wasted Go

11/05/2010 § Leave a comment

WG... hm, Walang God? LOL

Walang Gwenta

Walang pasok noong nakaraang May 3, dahil sa holiday economics ni GMA, kaya naman, sinamantala ko ang araw na iyon para makapanoond na ng pelikulang gagawan ng reaction paper. Nagyaya ako ng ilang mga kaibigan na manood sa malapit lang na SM – at sila ang namili ng papanoorin. Maski sa pinakamalala kong bangungot ay hindi ko naisip na mapapanood ko ang Babe, I Love You. Buti na lang at hindi ko nga iyon talaga napanood dahil mas trip ng mga naging kasama ko na panoorin ang “equally beautiful” na Working Girls.

Bago bumili ng mga ticket ay namili muna kami ng kanya-kanyang ngangatain habang nanonood. Pero dahil hindi ba ako nananghalian noon, humiwalay muna ako at bumili ng mga nakakabusog na pagkain. Pagkabalik namin para bumili na ng ticket ay nagulat ako sa binili nila – masyadong madami, isang malaking supot ng SM Supermarket. Tatlo lang naman silang kakain noon. Nagkabiruan pa nga na para silang magtitinda ng pagkain sa loob ng sine. Pagkatapos ay sila naman ang tumingin sa binili ko – at dahil sa hindi ko maintindihang atmospera ay naramdaman kong kailangan kong ipagmalaki/sabihin na malaki din ang aking ginastos. Isangdaan at walumpu’t dalawang piso ang halaga ng binili ko, halaga na para sa akin ay malaki na para lang sa tanghalian at meryenda, pero “ah, naka-isangdaan naman pala” lang ang naging reaksyon nila.

Halos dalawang daang piso para sa pagkain, at isangdaan at tatlumpung piso para sa isang ticket, mga presyong hindi ko naman iniintindi kapag sa bahay lang ako nanonood. Napatanong tuloy ako sa aking sarili kung bakit nga ba naniningil ang mga producer, direktor, at mga artista para sa mga pelikula nila, gayong ayon sa kanila (karamihan), ay para naman sa mga tao ang mga pinagpapawisan nila – gusto daw nilang pasayahin ang mga tao. At nagbigay ng malungkot na sagot ang aking sarili: nagsisinungaling sila, para sa pera ang pelikula.

Hindi ko talaga gustong nanood ng pelikula sa sine, karamihan kasi sa mga pelikulang nasisine ay yung mga sinasabing cliche. At ayaw ko noon, ayokong makapanood ng isa sa daan-daang bersyon ng “iisang” istorya/pormyula. Syempre, bukod sa wala lang talaga akong pera.

Hindi naging maganda para sa akin ang naging mabilis, at hindi man lang kune-kunektadong pagpapalit-palit ng mga eksena sa pelikula – wala nga kasi halos kuneksyon ang mga kwento ng pitong bidang mga babae. Nakakatanga rin ang biglaang pagtatapos ng kwento, halos buong sinehan yata ang napatanong ng “oh, tapos na?” nang bigla nalang tumugtog ang theme song ng pelikula sa “kalagitnaan” ng kwento – ni hindi naresolusyonan ang kwento ng ibang karakter.

Ang pinakaunang karakter na aming inabutan ay yung ginagampanan ni Christine Reyes – s’ya ang ala-pokpok at social climber na si Wendy. Ginagamit ni Wendy ang kan’yang ganda at alindog para makaakit ng mayamang lalaki, na ayon sa kanya, ay ang susi paalis sa kahirapan. Pero naloko lang s’ya sa pelikula. Nakipagkantutan (implied) lamang sa kanya ang lalaking akala n’ya ay nabingwit na n’ya, at pagkatapos ay naging “magkakilala” na lamang sila. Parang sanay na s’ya sa ganitong scenario, nung nalaman n’ya kasi ay halos wala namang bahid ng pagkagulat o matinding sakit/kahihiyan. At isa pa, ang naging “katapusan” lamang ng kanyang kwento ay ang pagkakatagpo niya sa isa pang gwapo at mukhang mayaman na lalaki. Nakakaawa ding itinaboy niya iyong mahirap na lalaking (mukhang) tunay na nagmamahal sa kanya. Ganito na ba kalala ang kahirapan sa Pilipinas, at naging ganito ka-desperado si Wendy? Dumagdag pa sa problema, sa tingin ko, ang mass media. Si Wendy kasi ay maalam sa “higher class” kaya, dahil na rin sa udyok ng media na “ito ang maganda, ganito ang masaya, atbp.,” naging materialistiko si Wendy. Maraming ala-Wendy sa Pilipinas, ngunit hindi niya kasing lala. Ang talagang nakakalungkot lang, ay hindi man lang ipinakitang resulta ito ng kapabayaan ng mass media, at na may pag-asa pang magbago at umunlad ang mga naturang “nabulag” na.

Isa ring social climber ang karakter ni Ruffa Guiterrez, si Marilou, ngunit may kaibahan siya kay Wendy: “papunta pa lang si Wendy, pabalik na si Marilou.” Siya ay isang beauty queen, sa isang hindi kilalang baryo, na nag-asawa ng matandang mayaman. Namatay na ang asawa ni Marilou at nagiwan ito ng isang naluluging kumpanya, ang Peragon. Pilit niya itong itinatayong muli, at ang naging paraan niya ay ang magtanggal ng mga trabahador. Sa totoong mundo, maliliit na manggagawa ang tinatanggal ng mga naluluging kumpanya, pero ang tinanggal ni Marilou ay yung mga “hindi naman kailangan at sobrang” mga executive. Ngunit problematiko pa rin ito dahil ang pinagdusa niya ay yung mga nasa ilalim niya lang – na malamang sa malamang ay ginagawa naman ang kanilang trabaho (kung hinde, dapat tinaggal na sila bago pa malugi yung kumpanya – na pagkakamali pa rin ng management). At ginawa niya ang desisiyon iyon para lamang hindi na siya “maging poor again.” Kinubli rin ang ganitong implikasyon gamit ang pilit na pagpapapatawa ni Ruffa.

Ang karakter naman ni Eula Valdez na si Dra. Cleo ay isang tagapngsulong ng sexismo – ayon na rin sa isang aktibistang karakter. Siya ang Vicky Belo ng pelikula na nagpapakalat ng ideyang kailangang maging ’36-25-36 sexy’ ng babae, sa anumang paraan. Ipinakitang may mga nagpoprotesta laban sa kanya dahil dito (ngunit hanggang sa huli ay hindi ito naresolusyunan). Sa totoong buhay ay sumisikat ang isang tunay na mass leader na s’ya na lagi ang iniinterbyu, at na nagiging personalan na away na ang kanyang pakikibaka (bagay na sa showbiz/politika lang nangyayari). Gayunpaman, ganoon ang ipinakita sa pelikula. Imbes na makipagusap at subukang makipagayos sa mga raliyista, nagplano si Dra. Clea na siraan sa publiko ang kanilang mass leader – na hindi rin epektibo (hindi ipinakita ang reaksyon niya o kung may ginawa pa sya pagkatapos).

Bale gumanti s’ya. kabaligtaran naman ito ng ginawa ng karakter ni iza Calzado na inaruga pa nga ang kanyang “kaaway.” Si Theresa kasi ay isang nars na na-assign alagaan ang mamamatay na nitong karibal – yung naging asawa ng biglang nangiwan niyang ex-boyfriend. Ito lamang ang naging problema niya: isang dillema sa pagitan ng kanyang sarili o kanyang propesyon (sabi na rin ng bespren niya). Pero kung ating iisipin, hindi naman talaga ito isang problema. Para lang s’yang pinapili kung anong gusto niya: bumili ng murang pagkain o magnakaw nito. Ang gusto kasing mangyari ng ilang kakilala ni Theresa ay pabayaan na lang niyang mamatay ang karibal niyang iyon nang magkabalikan na sila ng kanyang ex. Ngunit alam naman nating ang ganitong opsyon ay masama ang epekto, hindi lang sa kanyang propesyon, kundi pati na rin sa kanyang sarili. Hindi ito maganda sapagkat ipinapasa ng pelikula sa mga manonood ang ideyang pag-isipan pa ang ganitong scenario – na gawing opsyon ang pagpatay para sa pansariling emosyon.

Ang naging katapusan ng kwento ni Theresa ay ang kanyang pagpunta sa ibang bansa. Bagay na hindi ko rin nagustuhan dahil pagpupugay ito sa ating pagkaalipin sa ilalim ng mga dayuhan.

Isa pang kakahiwalay lang sa isang relasyon ay ang karakter ni Jennylyn Mercado na si Ada. Iniwan din s’ya ng kanyang nobyo para sa iba, pero, nanatili silang magkaibigan (pati nung bagong nobya). Sa pamamagitan uli ng kanyang karakter ay ipinakita ang sexismo sa ating lipunan; gaya nga ng sabi niya: “parang wala nang nagkakainteres sa akin mula nung nagka-anak ako.” Para sa akin, positibo naman na nagkaroon din s’ya ng karelasyon sa dulo, dahil kahita pa paano ay ipinakitang huwad na basehan ang virginity o pagkakaroon ng anak para sa isang relasyon – kung iisipin, hindi nga naman yung anak o puke ang minahal mo.

Lahat ng nabanggit nang karakter ay tungkol o may kuneksyon sa pag-ibig ang problema, subalit iba ang karakter ni Bianca King dahil wala itong ‘love life.’ Puro tungkol sa trabaho at pamilya ang naging problema niya.

Naging segment producer s’ya sa isang istasyon dahil lang sa pamilya niya. Sa huli ay “pinatunayan” niyang may kakayahan naman s’ya at “karapatdapat” sa naturang posisyon. Ang ganitong eksena ay hindi ko maiwasang ikumpara sa mga political dynasty na nagluluklok ng mga pulitikang saka lang “natututo” kapag nakaupo na. At para sa akin, huwad pa rin ang katuwirang “eh-okay-naman-pala-s’ya” sa naturang sitwasyon. Nilagpasan kasi niya ang prosesong dinaraanan ng lahat at sa gayon, ay nandaya pa rin. Dahil din dito ay inalisan niya ng pagkakataon sa trabaho ang isang mas nangangailangan nito na, kundi mas mahusay, ay kasing husay n’ya.

Ang karakter naman ni Eugune Domnigo na si Paula, ay masasabing ang pinakaiba sa kanilang pito. Bukod kasi sa hindi siya pisikal na balingkinitan at pangit din para sa karamihan, s’ya ang nag-iisang wala man lang kuneksyon sa kahit isa sa anim pang bida. S’ya rin ang pinakasentro ng pinagmamalaking komedya ng pelikula. Gayunpaman, karamihan sa mga eksena niya ay pamilyar na sa atin, at naging kakatwa lamang dahil s’ya ang gumanap. Ang tinutukoy ko ay iyong mga (usually) nakakakilig na eksenang monopolyado ng mga sikat na love team. Kung susuriin, pareho lang naman ang kanilang pilit na acting, ang dramatic at mabagal na background music, at ang romantikong sitwasyon; pero iba pa rin ang datin sa amin.

Nakunsensya ako noong maisip ko kung bakit pala ito nakakatawa: ‘pangit’ ang persepsyon namin kay Eugen Domingo. At lalong nakakakunsensya nung itanong kong “ano naman kung pangit?” Natuklasan kong, sa pananaw naming mga tumawa, para lamang sa magaganda at gwapo ang mga ganitong nakakakilig na eksena – kalokohan/katuwaan lang kapag pangit ang gumanap. Pero ano ba ang kagandahan?

Si Eugene Domingo ay kabaligtaran nina Sarah Geronimo, Kim Chiu, Marian Rivera, at Carla Abellana: mataba, maliit, morena, pango, malaki ang mata, hindi nagsi-sway ang buhok, at kulubot ang mukha. Ginawa ng mga eksenang iyon na mapanghusga ang mga manonood, at sinusportahan ang kanluraning konsepto ng kagandahan na nakabase kay Barbie Doll.

Sa pangkalahatan, hindi ako nagandahan sa Working Girls (“not even close” ika nga). Hindi nito ginawang sulit ang perang nilaan namin para sa kanya. kung tutuusin ay araw-araw naman nating napapanood ang mga palabas na may katulad na kwento – sa porma ng mga telenobela. Ang pinagkaiba lang, yung mga artista, yung kawalan ng literal na commercial ad, at yung lamig. Pakiramdam ko nga, yung lamig ng aircon at lambot ng kutson lang ang binayaran ko.

Kumbaga sa pandesal, putok – akala mo masarap at malaman, yun pala hangin lang ang laman.

[May 4-8, 2010; reaction paper sa Art Stud na humaba ng sobra-sobra]

Tagged: , , , , ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Wasted Go at Akdaan.

meta

%d bloggers like this: