Take-Out

04/09/2010 § Leave a comment

Hindi ko na kayang dumilat. Kusa nang pumipikit itong mga mata ko. Pero ayun na lang yung bababaan ko. Ilang segundo na lang. Pero trapik kasi… teka, baka may isa o dalawa o tatlong minuto pa. Ilang minutong tulog din ‘to, patulan ko na nga-

Parang may gumagalaw sa binti ko. Parang may kamay na kumakalabit, nananapik. May nagtatangka bang mandukot sa akin? Teka, bakit nga ba ako nakapikit? Makadilat nga at nang makita kung ano ‘tong nananapik na ‘to. Mabilis tinahak ng halo-halong ilaw ang aking mga mata. Nakahinto na yung jeep at wala na itong laman – nasa babaan na! Sino yung tumatapik sa binti ko? “Kuya bababaan na po” ang pagkakarinig kong sabi nitong katabi ko. Lumingon ako at nakita ko ang isang maputing dalaga. “Ay, salamat miss.” ang sabi ko naman sa kanya. Pagkatapos ay tumayo na s’ya at bumaba mula sa dyip, sumunod din akong bumaba. Salamat talaga kay ate; baka nadala pa ako ni manong drayber sa pila nila kung sakaling hindi nga ako nagising.

Sabagay, kahit naman hindi ako gisingin nung drayber hanggang sa pila nila ay ilang hakbang lang ang ilalayo ko. At bukod sa maliit nga lang itong Philcoa ay araw-araw pa akong dumadaan dito, kaya paano nga naman akong maliligaw? Pero kahit na pala, siguro ay mas nakakahiya kung yung grupo ng mga drayber ang gigising sa akin, at least si ateng maputi ay mag-isa lang; mag-isa lang rin n’ya akong tatawanan.

Katulad ng mga normal na araw ay ang init-init na naman dito. Anong oras na ba? Matignan nga sa cellphone ko. Bakit wala sa bulsa ko? Hala, naiwan ko sa dyip? sa college? sa gym? sa CR? saan? Ay, teka, hindi, nasa bag ko yata. Oo, eto nga, nasa bag lang pala. Ibulsa ko na nga ‘tong cellphone na ‘to nang hindi na ako magulat ulit mamaya.

14:03 ang oras na ipinakita ng black and white na screen nitong ilang taon ko nang pag-aaring cellphone. Alas-dos, hapon na yun ah. Hapon na pero ang init, ang init-init pa rin. Grabe, kapag tinitingnan ko ‘tong kalsada, parang may heat wave. Umaalon yung hangin sa tindi ng init.

Kaya ayokong sumasakay ng dyip pauwi eh. Isang oras din kasi yung byahe. Eh pagod ako dahil sa sunod-sunod na klase mula alas-syete hanggang ala-una, tapos marahas na hahampas sa mukha ko yung mainit na hangin? Mag-iinit lang din ang ulo ko. Kaya kahit na mas magastos, mas gusto kong sumakay ng bus pauwi. Kasi sa bus, aircon at malamig, kaya malamang sa malamang, makakahimbing pa ako – nakaw na pahinga nang halos isang oras.

Pero wala pang bus. Wala pang airconditioned na bus. Puro dyip at ordinaryong bus ang nakahinto. Tatabi nga muna ako dito sa sidewalk at nang hindi mapagkamalang pasahero ng dyip o ng ordinary bus. Nang hindi rin sila hinto ng hinto at nang mabawasan kahit kaunting-kaunti ang tindi ng trapik.

Mag-ordinary bus na lang kaya ako? Pero ang init talaga eh. Ang sakit sa katawan ng mga sinag ng araw. Teka, bakit ba kasi nandito ako sa walang lilim? Makausog nga sa tabi nitong mga motor pang-deliver ng Mcdo. Ang sikip. Pakiramdam ko, isang maling ikot lang ay aksidente kong maibabagsak ang isang motorsiklo. Bakit ba dito nag-pa-park ng mga motorsiklo itong Mcdo?

Pagkalingon ko ay tumambad sa akin ang looban ng Mcdo. Sa direktang tapat ko ay nakikita ko ang umiilaw nilang menu. Yung mukhang malinamnam na Big Mac, yung mukhang malamig na McFlurry, at yung mukhang malutong na French fries. Bigla yata akong nagutom. Sabagay, hindi na kasi ako nakapag-almusal kanina sa bahay dahil mahuhuli na ako sa klase. At sampung-pisong taho, hot monay na peanut butter ang palaman, at pira-pirasong sky flakes na hiningi sa sari-saring kaklase sa sari-saring klase, palang ang laman ng sikmura ko. Siguro, gutom nga talaga ako.

Sumagi sa panigin ko ang isang malaking peso sign. Inilipat ko ang pokus ng aking mga mata sa may bandang kanan at nakita nang mas malinaw ang malaking peso sign na nakaimprenta sa isang malaki at pahabang poster. EVERYDAY McSAVERS ang nakasulat at may larawan pa ng fries, burger, coke float, sundae, at pie. Katabi ng malaking peso sign ang malaking 25. Parang biglang umatras ng bahagya ang gutom ko; parang biglang bumigat sa aking t’yan iyong taho, monay, at sky flakes. Pakiramdam ko ay itong peso sign ang tunay na gwardya sa Mcdo at iniinspeksyon n’ya kung nararapat nga ba akong pumasok.

Naalala ko yung nakaraang linggo sa simbahan. Naalala ko yung malaki at pahaba rin nilang poster na Proper Attire When Going to Church naman ang naka-imprenta. Napadaan lang ako sa parish church namin habang papunta sa isang bakery para bumili ng almusal na tinapay. Gusto ko sanang magsimba dahil linggo naman at dahil napadaan na rin lang ako sa simbahan. Ang problema, nakapambahay ako. At ayon sa pahaba at malaking poster ay hindi proper attire when going to church ang suot kong sando, shorts, at tsinelas (naalala ko tuloy yung nag-iisa kong sapatos na hindi na kasya sa akin). Nahiya naman ako dun sa mga taong naka-pantalon, t-shirt, at sapatos sa loob, kaya umuwi na lang ako, at nagdasal bago mag-almusal ng nagmahal nang pandesal.

Parang hindi nagtataas ng presyo ang pagkain sa Mcdo. O baka hindi ko lang alam. Malamang nga hindi ko lang alam, hindi nga rin naman ako madalas kumain dito.

Nakaharap pa rin ako sa malaking force field. Para kasing force field itong transparent at salaming pader nila. Parang yung kapangyarihan ni Invisible Woman sa Fantastic 4, o nanay sa Incredibles, o, mas maganda, yung pink na force field sa bahay ni Voltes V, ang Camp Big Falcon. Linihis kong muli ang titig ko sa kanang bahagi ng poster. Nakita ko ang isang lalaking kumakain ng fried chicken. Parang kahawig n’ya si Big Bert Armstrong. Ay hindi, mataba lang kasi s’ya. Madaming kinakain, may coke float at large fries din sa mesa n’ya, marami rin sigurong peso sign.

Kinapa ko ang kaliwang bulsa ng pantalon kong ikalawang araw ko nang suot. Wala pala dito yung pera ko, cellphone at panyo nga pala ang nandito. Kinapa ko yung kanan at linabas yung kung anong nadukot ko. Isang Manuel Roxas, dalawang Manuel Quezon; aba’y puro Manuel pala ang pera ko. Meron pa akong 140. Yung 50 ay sapat nang pamasahe pauwi, may 90 pa akong pangkain.

Tumingin akong muli sa kalsada. Wala pa ring airconditioned na bus. Mainit pa rin. Masikip pa rin. Mainit pa rin. Kakain na lang ako muna, kahit burger lang. Humarap na akong muli sa Mcdo at naglakad papunta sa pinto nito. Kitang-kita ko kung gaano kayos ang loob nito: maayos na nakasalansan ang mga malilinis na mesa, maayos na nakaupo ang mga kostomer na maayos na kumakain ng mukhang maayos na mga pagkain, at wala ni isa sa kanilang naiinitan. Makalipas ang apat o limang hakbang ay narating ko ang pinto ng Mcdo. At pagkabukas ko nito ay agad kong naramdaman ang malamig na dampi ng aircon. Mabilis akong pumasok at isinara sa aking likuran ang tanging lagusan papasok, at palabas.

Pakiramdam ko’y napunta ako sa ibang mundo, sa ibang planeta o kaya ibang galaxy. Nawala ang usok na nagpapahapdi sa aking ilong; ang init na nanunusok ng aking balat; ang “UP, UP, UP! Nasa likod ng Jollibee ang terminal; UP, UP, UP!” kasabay ng halo-halong tinig ng mga barker na pinupukpok ang aking mga tainga; biglang umaliwalas ang aking paligid. Sa isang hakbang ay umayos ang lahat.

Nakangiti akong pumila sa likod ng isang naka-pang-nurse na babae. Wala halos pila. Pumila lang ako kasi wala pa akong napipiling makakain. Hindi ko pa alam kung alin ang nakakabusog, masarap, at mura. Binaling ko ang tingin ko sa kanang bahagi ng kanilang menu, sa McSaver Meals. Umalis yung babae sa harap ko nang may bitbit na pulang trey na may fried chicken, coke, at French fries; mahigit isang daan siguro iyon. Lumapit na ako sa counter at linapag dito ang aking mga palad. Naramdaman ko ang kalamigan ng bakal nitong balat. “Isa nung chicken fillet” ang sinabi ko kay… ate Anne (nakasulat sa nametag n’ya), sinundan ko nang “yung sa McSaver Meal” na kasabay ng pagturo ko sa parte ng pahalang nilang menu kung saan nakapwesto yung “Crispy Chicken Fillet with rice and 12 oz. drinks.” Pumindot-pindot si ate Anne at nagtanong sa akin “would you like to add-“ pinutol ko s’ya ng mabilis na iling – kahit na nasa ibang galaxy na ako ay alam ko pa ring kaunti ang pera ko. “Dine in or take out?” naman ang sunod n’yang tanong. “Dine in” naman ang sumunod kong sagot. Bakit ko naman gugustuhing i-take out iyong kakainin ko?

“Here is your order sir, enjoy your meal. Ano ‘yon sir?” ang huling pangiting sinabi ni ate Anne habang sabay kaming inaasikaso nung lalaking kasunod ko sa pila. Humarap ako sa malawak na dining area ng Mcdo. Katulad ng babaeng nauna sa akin sa pila ay may hawak na rin akong pulang tray, iba nga lang ang laman. Mamaya naman, katulad ko, ay may hawak na ring pulang tray itong lalaking kasunod ko, pero iba rin malamang ang laman.

Naalala ko naman ngayon, habang sabay na naglalakad at naghahanap ng magandang pwesto, yung mga langgam sa bahay noong nakaraang araw yata. May mga pulang langgam kasing nagba-byahe sa dingding, at parang buong araw ko silang inobserbahan. Tapos nakita ko na bawat isa sa kanila ay may dala-dalang maliit na piraso ng kung anong kulay puti. Lahat, o karamihan dun sa mga langgam na nakapilang nagtatakbo ay may dala, iba-iba nga lang yung laki ng dala nila. Siguro, para sa nanganganak nilang reyna ‘yun. Ewan, anong malay ko sa langgam.

Sino kaya ang reynang dinadalhan namin ng kulay putting kung ano dito sa Mcdo?

Umupo na ako sa napili kong trono sa tabi ng malalaking force field. Agad kong hinarap ang aking crispy chicken fillet. Dahan-dahan kong tinaggal sa papel na balot iyong umuusok pang kanin. Tinusok ko ng tinidor ang isang piraso ng fillet, humati ng isang kutsarang kanin, hinipan ito, kumagat sa crispy ngang fillet, at sinubo ang hinipang kanin. Nalasap ko ang maanghang-anghang at malinamnam na fillet – masarap.

Ilang ulit na pagtusok, paghati, pag-ihip, pagkagat, pagsubo, at paglunok. Ilang ulit na kasiyahan. Ilang ulit ding paglinga-linga ko sa paligid habang kumakain. Nakikita ko pa rin sa labas kung ganito iyon kagulo. At least maayos na ako dito sa loob. Binaling ko ang tingin ko sa kaninang posisyon ni Big Bert Armstrong, pero wala na s’ya. Payat na, kumpara sa kanya, yung kumakain doon.

Humarap akong muli sa malaki at malapad na force field. Sa force field na nasa pagitan nitong Mcdo at iyong labas nito. Parang bookmark, itong nabasa na at iyong hindi pa. Pero magulo pa rin talaga. Nasaan na kaya yung lalaki kaninang nasa likod ko? Ay ito, sa may likuran ko ulit s’ya nakapwesto.

Naubos ko na ang fillet at kanin. Ang bilis ko yatang kumain. Inabot ko ang malamig pa ring coke at humigop ng kaunti. Ang sarap, ang lamig! Tumingin ako sa counter. Nakatayo, nakangiti, pumipindot-pindot at nagsasalita pa rin si ate Anne. May ibang grupo na ng mga langgam ang nakapila.

Si ateng naka-pang-nurse ay papalabas na ng Mcdo. Si kuyang kasunod ko sa pila, na nakaupo sa may likuran ko, ay malapit naman nang maubos ang biniling… ayon sa menu ay “1-pc. Chicken Mcdo with Spaghetti Value Meal.” Nasusunod pa rin pala iyong pila kanina. Umalis man kami sa tapat ng counter ay sunod-sunod pa rin kaming umuusad, umiikot, nang hindi namin namamalayan.

Ayoko pang umalis. Wala na akong pagkain sa mesa pero ayoko pang umalis. Gusto ko pang manatili dito sa malamig, maayos, at tahimik na planetang ito. Delikado sa labas ng force field. Ubos na rin ‘tong coke ko. Tumatayo na rin si kuya. Sige kuya, singitan mo na ‘ko, mauna ka na. Nakalabas na nga ng Mcdo si kuya; nagpasingit ako. May lumalapit na lalaki. Ano bang tawag sa kanila, waiter? Parang hindi eh. Basta lumapit s’ya, at ito’t isa-isa nang liniligpit itong pinagkainan ko. Nagtanong s’ya kung okay lang eh, tumango lang naman ako. Ayoko pa ring umalis.

Muli akong humarap sa force field. Hindi na masyadong mainit. Medyo makulimlim na ang labas. Sa pagbabagong ito ng oryentasyon ng ilaw ay nakita ko ang repleksyon ko sa kabilang dulo ng force field. Nakalutang ang mukha ko sa mga dumadaan na mga tao, sa mga nakatigil na dyip, sa labas. Naalala ko tuloy na hindi nga pala ako pwedeng dito na lang manatili sa loob ng Mcdo. Na maya-maya rin ay kakailanganin kong muling lumabas, harapin ang usok, ang init, ang ingay, ang gulo. May buhay nga pala ako sa labas. At katulad nila Big Bert Armstrong, ate nurse, at kuya kasunod, ay lalabas din ako dito sa panahong wala na akong peso sign na maiaambag sa aming reyna.

Bigla kong ginustong basagin ang force field. Bigla kong ginustong aircon-an ang labas, maging maayos, tahimik, mabango, at maaliwalas rin ang labas. Nang sandaling iyon ay tumayo ako at mabilis na nagtungo sa pintuang papunta sa buhay ko. Hinila ko pabukas ang pinto, alam ko na yung mga ganitong pinto ay na-la-lock na bukas kapag tinodo ang bukas, kaya ginawa ko iyon. At bago ko tuluyang iwanan ang Mcdo, ay nag-iwan ako ng bukas na butas sa kanilang force field.

Sa paglingon ko ay pinagsisihan kong hindi ko itiniklop ang poster nilang may mga peso sign. Sa susunod na “pag-order” ko ng kaayusan mula sa Mcdo, i-te-take-out ko na lang.

[Setyembre 4, 2010; para sa 173; pakiramdam ko narrative essay lang ‘to : /]

Tagged: , , , , ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Take-Out at Akdaan.

meta

%d bloggers like this: