Para sa Fans

19/09/2010 § Leave a comment

Nasa kalagitnaan s’ya ng isang shooting nang bigla n’yang maramdamang may mabigat sa kan’yang sikmura. Sa una ay hindi n’ya ito pinapansin, “malamang ay kabag lang” bulong n’ya sa kanyang sarili. Kanina nga naman kasi ay tawa s’ya ng tawa, baka noon pumasok ang maraming hangin sa kanyang tiyan. O di kaya kaninang naka-limang baso s’ya ng tubig, baka sa putol-putol na paglunok ay sumingit ang hangin papasok sa kanya. O kaya, baka hindi naman iyon kabag.

“Hindi nga kabag” ang naging bulong n’ya sa kanyang sarili matapos maramdamang may kung anong gustong lumabas mula sa kanyang puwit – at hindi ito basta-basta hangin. Hinila n’ya papasok ang kanyang tumbong at pinasikip ito. Hangin o solido man, ayaw n’yang pakawalan ang naturang bagay mula sa kan’yang puwit – o ayaw pa n’ya, hindi doon, hindi ngayon. Maingat s’yang kumilos at nagpaalam pansamantala sa mga taong kasama – artista, camera man, director, PA, atbp. Kinuha n’ya ang kanyang mga gamit at umalis.

Hindi na n’ya napigilang umalis mula sa loob ng kanyang t’yan ang kapirasong hangin. Kaya naman hindi rin s’ya tumigil sa paghiling na sana’y walang bitbit na amoy ang naturang hangin. Kasabay ito ng halos walang tigil ring na pagbati sa kan’ya ng tila walang hanggan ding bilang ng mga taong nakakasalubong. Maya’t-maya ay may kakaway, may ngingit, o di kaya’y lalapit at mag-he-hello. Kahit na nasa loob s’ya ng building ng kanilang estasyon ay talagang hindi s’ya nakakalimutang alalahanin maski ng mga ka-trabaho.

Pilit n’yang inaalala kung nasaan ang pinakamalapit na banyo. Sumulpot sa isip n’ya iyong banyo sa may main entrance. Kasabay ng pagpigil sa ikalawa sanang utot ang pagdadalawang-isip n’ya na magpunta sa naturang banyo. Marami kasing gumagamit nito, maraming tao doon, maraming tao ang kilala s’ya ang nandoon. Lumiko s’ya patakbo sa isang hagdan at habang nagmamadaling humakbang pataas ay pinakawalan na rin n’ya ang kanina pang nagpupumiglas na hangin sa kanyang tiyan. “Wala namang gumagamit ng hagdan” sabi n’ya sa kanyang sarili. Patuloy s’yang nagmadaling umakyat.

Umahon s’ya mula sa unang palapag patungo sa ikalawa. Tinahak n’ya ang isang hallway, na hindi katulad sa kaninang pinag-shu-shooting-an, at linalakaran, ay walang tao. Walang ibang tao kundi s’ya. Napatakbo s’ya nang buksan ang pintuan papasok sa banyo. Pakiramdam n’ya ay biglang ngumiti ang kanina pa n’yang nakasimangot na sikmura sa pagkakalanghap n’ya ng air freshener mula sa banyo. Mabilis n’yang isinara sa kan’yang likuran ang pintuan, at mabilis ring nagtungo sa isang bakanteng cubicle. Bago pa n’ya isara ang plastic na pintuan ng plastic na cubicle ay nahagip n’ya sa katapat nitong salamin ang kanyang anyo – matangkad, at maputi. Napangiti s’ya dahil sa kanyang itsura.

Nagmamadali n’yang hinila pababa ang zipper ng kanyang pantalon, humigop ng hangin para sandaling pasikipin ang tiyan, at mabilis na hinila pababa ang maong na Levi’s. Initsa n’ya ang mamahaling pantalon sa plastic na pintuan upang ito’y maisabit. Pagkatapos ay mabilis n’yang isinuksok ang magkabilang hinlalaki sa magkabilang gilid ng kanyang underwear at mabilis rin itong hinila pababa. Initsa n’ya rin ang kanyang underwear pasabit sa pintuan.

Pagkatapos ay lumingon s’ya sa puting inidoro. Naramdaman n’yang muli ang pakikipagtulakan ng kanyang tumbong sa mga pwersang gustong lumabas. Hindi na n’ya inintindi kung marurumihan ba ang kanyang puwit, basta bigla s’yang umupo sa inidoro. At, halos kasabay ng pagupo at ng makapangyarihan n’yang pag-iri, lumapag sa loob ng inidoro ang isang hugis-saging at kulay-lupang bagay.

Nakahinga s’ya ng maluwag. Nasa magkabila n’yang binti ang magkabila n’yang kamay at nakatingin s’ya ng diretso sa katapat na pinto. Pinakikiramdaman n’ya ang kanyang sikmura; kung mayroon pa itong gustong ilabas o kung wala na.

Bigla s’yang lumingon sa lalagyan ng tissue na nasa kanang bahagi ng cubicle – mayroon pa namang lamang tissue ang lalagyan. Bigla ring bumalik ang pagsikip sa kanyang sikmura. Huminga s’ya ng malalim. Kasabay nito ang malililiit na pagtulak n’ya palabas sa taeng nagpapasikip sa kanyang tiyan. Hindi mapakali ang kanyang tumbong – hindi n’ya malaman kung ibubuka na ba ito dahil iyan na’t lalabas na ang bara, o kung ititikom muna at lalakasan ang pag-iri.

Humigpit ang hawak n’ya sa kanyang mga hita. Kasabay ng isang malakas at mahabang iri ay ang pag-tunog ng tubig sa loob ng inidoro nang ito ay bagsakan ng isang piraso ng sikat na tae. Muli ay lumawag ang kanyang paghinga.

Sigurado na s’ya ngayon na wala na iyong kasunod. Kumpara kanina ay mabagal na s’ya ngayong tumayo. Kasabay ng pagtayo n’yang ito ang pagkawala ng masangsang na amoy ng kanyang dumi mula sa inidoro. Ngunit unti-unting kinalaban ng air freshener ang naturang sangsang, at hindi na ito umabot sa kanyang pang-amoy.

Dahan-dahan s’yang puminit ng tatlong tiklop ng tissue mula sa lalagyan. At dahan-dahan, at madiin n’ya itong ipinahid sa kagagamit n’ya lang na tumbong. Sumama sa tissue ang ilang natirang kapirasong dumi mula sa kanyang puwit. Hindi n’ya tinignan ang tissue at agad itong itinapon sa inidoro. Pumunit s’yang muli ng tatlong tiklop ng tissue at nagpunas muli ng kanyang puwit. Muli ay itinapon n’ya ito sa inidoro ng hindi tinitignan.

Pumunit s’yang muli ng dalawang tiklop ng tissue at pinangharang ito sa kanyang kamay habang pinipindot n’ya ang flush ng inidoro. Sumilip s’ya sa inidoro at siniguradong walang natirang piraso ng dumi bago itinapon sa katabi nitong basurahan ang huli n’yang piraso ng tissue.

Tumalikod s’ya sa inidoro, nagsuot ng underwear, at pantalon bago tuluyang binuksan ang plastic na pinto ng plastic na cubicle. Tumambad sa kanya ang kanyang sarili. Lumapit s’ya sa salamin at naghugas ng kamay sa katapat nitong lababo. Maluwag na ang kanyang tiyan.

Lumabas s’ya ng banyo nang parang hindi tumae.

Pagkabalik n’ya sa lobby malapit sa main entrance, kung saan maraming tao, muli s’yang binati, kinilala, at tinrato ng mga tao na parang hindi tumatae.

[Setyembre 18, 2010; para sa overnight/puyatan-palihan sa UPLB noong araw na iyon rin, 2 oras ko rin yata yan minadali, para sa mga halos-sambahin na ang kani-kanilang idol :P]

Tagged: , , , , , ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Para sa Fans at Akdaan.

meta

%d bloggers like this: