Alimuom, Walang Maliw, at Ako

30/09/2010 § 2 Comments

At ni-require na naman ang dalawang klase namin para manood ng isang dula. “Alimuom at Walang Maliw” naman ngayon. Mas mura ang tiket nito kumpara sa “Orosman at Zafira” – P100 lang.

Minsan nagtataka ako kung bakit sa mga dula/pelikula/libro ay hindi kasama sa mga sinusuri ang presyo nito. Samantalang kasama sa mga ginagamit pang-promote sa mga ito ay kung magkano ang kinita nito…

Ang “Alimuom at Walang Maliw” ay tungkol sa tunggalian sa pagitan ng mga rebolusyonaryong pwersa (armado man o hindi) at ng mga reaksyonaryong pwersa (armado man o hindi rin).

Ang unang pley, Alimuom, ay nagtampok sa husay noong artistang gumanap bilang sundalong sunod-sunurang pumapaslang ng mga “NPA.” Ito kasi ay isang halos-isang oras na monologue patungkol sa pananaw ng isang “repormistang” sundalo noong katatapos pa lamang ng People Power I, o People Power Revolution, ayon sa mga repormista. Naging epektibong pantawag pansin para sa akin ang pag-pley ng “Tie a Yellow Ribbon ‘Round the Old Oak Tree” bilang panimula sa pley sapagkat nagdulot ito ng agarang pag-relate, ng naturang pley, kay Cory Aquino o sa panahon nito. Nakatulong ito sa pagbibigay ng karakter sa setting.

Ang unang parte ng monologue ay ang pagku-kwento ng isang sundalo tungkol sa kanyang nakaraang mga karanasan sa pagpaslang, pagdukot, pagtiktik, at pagtortyur sa mga “komunista.” Naging puno ng emosyon ang kanyang pagkukwento. May mga sandaling rinig na rinig ang kanyang galit at bigla s’yang tatawa dahil sa isang kabalintunaan. May mga sandali ring bigla na lamang s’yang tumititig nang direkta sa mata ng mga manonood (o akala ko lang) na dumadagdag sa tindi ng kanyang pagganap. Naging malinaw at biswal din ang paglalarawan n’ya sa pamamaraan nila ng panonortyur. May pagkakataong kinikilabutan at nandidiri ako dahil sa mga bulgar at direktang paggamit n’ya ng salitang panlarawan – katulad doon sa pagpindot palabas ng mata na tyinempuhang i-shoot sa bibig. Nagpaalala ito sa akin ng katotohang nangyayari ang mga kwento n’yang ito sa totoong buhay. Maraming balita na ang napagalaman ko tungkol sa tortyur at may mga bagay na mas nakakakilabot at nakakadiri kaysa sa mga inilarawan ng sundalo… Naging pahayag rin ito na wala talagang ideyolohikal na linya o prinsipyo ang militar sa pagsasagawa sa mga bagay na ito – ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho (at iyon ay ang walang agam-agam na sundin ang gubyerno).

Ang ikalawang parte naman (na ako lang ang nagimbento ng pagkakahati) ay, bukod sa di hamak na mas maiksi, tungkol sa paglaban at pagbalikwas ng naturang sundalo sa kanyang “tsip” – sa kanilang senior officer na nag-utos sa kanilang pumaslang at gumawa ng iba pang karumaldumal na gawain. Nag-simula ang ideya n’yang ito nang mabanggit n’ya ang tungkol sa kadalian na para sa kan’yang pumatay, manggahasa, manakit, atbp. At ang relasyon nito sa pagtingin n’ya at pagtingin sa kanya ng kanyang asawa, ina, anak, kaibigan, atbp. Isa ito sa mga tumatak sa aking mga linya. Sa huli, pinabatid na pinaslang ng sundalo ang kanilang tyip. Positibo ito sapagkat nagtangka at ginusto ng sundalo na wakasan ang sistemang nagtutulak sa kanyang maging makinang pamatay.

Ang sumunod na pley naman ay ang Walang Maliw. Hindi gaya sa Alimuom, ang kahalagahan ng pamagat nito, para sa akin, ay malinaw. Ang tinutukoy na walang maliw ay iyong buhay, at ambag sa lipunan ng mga aktibistang dinukot o pinaslang.

Katulad sa Alimuom, naging epektibo rin ang pagsusulat ni Lenny ng mga pangalan ng mga desaparacido sa sahig sa simula ng pley bilang panimula. Kahit na nakapagtataka para sa akin na may sulat-sulat ang sahig at ang mga upuan at lamesa sa stage, nagbigay ito sa akin ng wisik ng tema ng pley.

Bagaman medyo nakakawala ng atensyon ang maikling sagutan ng mga magulang ni Lenny sa simula, nagustuhan ko naman ang transition mula dito; kung saan hinipan ng ina iyong kandila, at imbes na dumilim ay biglang lumiwanag.

At nagpatuloy silang magdiskusyon/kwentuhan tungkol kay Lenny. Ipinakita yung katotohanan, sa parte ng mga mahal sa buhay ng mga desaparacido, nang hindi nagmamaliw na pagdududa. Pagdududa na makalipas ang mga taong nawawala siya, ay baka buhay pa siya. Kahit na isa itong ubod ng nakakalungkot na ideya, hindi pa ito pinresenta sa ganitong paraan sa unang parte ng dula.

Pagkatapos ay nagpatuloy na sila sa pagaalaala ng kanilang nakalipas. “Those were the days” ika nga nila. Naging nakaka-kilig (ayon na rin sa mga kasama ko) ang mga eksena dito sapagkat hindi gumamit ng tipikal na mga eksena ng lambingan sa mainstream na pelikula, sa halip ay banayad na mga linya mula doon sa matalinghagang ama.

Naging swabe ang transisyon sa mga naunang parte, subalit hindi na noong bigla silang malipat sa paksa ng aktibismo. Para sa akin ay naging biglaan ang naging pagpapalit-paksa. Gayunpaman, naging malaman ang naging pag-uusap nila tungkol dito. Nabanggit iyong kahalagahan ng aktibismo at ng mga nagawa nila bilang mga aktibista – hindi dating aktibista. May ilang mga eksena nga na nagpaalala sa akin ng ilang eksena rin mula sa pelikulang Sigwa…

Ang pangwakas na eksena ng Walang Maliw, ay ang kunwaring pagbabalik ni Lenny. Naging sobrang emosyonal nito. Naging epektibo iyong akting ng ina na kahit na sabik na sabik na para sa anak, ay tila pinipigilan ng pagkagulat at pagdududa noong makita n’ya si Lenny. Epektibo rin ang akting ni Lenny na tila hindi nawala sa loob ng limang taon, dahil sinoportahan nito ang katotohanang sa imahinasyon lamang itong lahat noong ina – kung saan ang pagkatao ni Lenny ay ang kanyang pagkakakilala dito lamang ang bumubuo.

Pagkatapos ay bumalik na iyong ina sa tunay na mundo at sumangayon na sa argumento ng ama (na mag-move-on na). Pagkatapos ay ipinabatid na pababalik na s’ya sa pagtuturo. Naging maganda rin ang mensahe nito sapagkat nagpapakita ito ng hindi pagtiklop sa harap ng pasistang sistemang gumugupo sa aktibismo. Nauna nang binanggit noong ama na dapat, kahit mahirap, ay maging progresibo ang pagtanaw nung ina. Na wag magpatali sa nakalipas, bagkus ay mag-isip ng mga paraan upang resolbahan ang naranasang problema para sa kinabukasan.

Sa pangkalahatan, naging isang sulit na karanasan ang panonood ng Alimuom at Walang Maliw – binura nito ang ilan kong mga personal na pagdududa at pagaagam-agam ukol sa aktibismo.

[Setyembre 26, 2010; reaction paper para sa Pan Pil 40; minadali kaya halatang-halatang ligaw-ligaw ang mga ideya; nung binasa ko uli, andami ko pa palang mas maganda at mas malaman sana na pwedeng sabihin :( ; joke time na naman ang title :P ; mula ngayon, lalagyan ko na ng picture lahat ng post ko! :D:D]

Poster nung pley; mas maganda sana yung tiket design e, kaso wala akong piktyur. :P

Tagged: , , , ,

§ 2 Responses to Alimuom, Walang Maliw, at Ako

  • bi says:

    mas nakakadagdag pa ng apekta sa saloobin kung titingnan sa punto ng kaganapan ng mga karakter. mas napansin kong mas-plot oriented ang naging pagsipat mo sa rebyu at tila nakulangan ako. character development, kasi doon nagrerevolve yung istruktura ng dalawang dula ni sir aguila. marahil mas makakasapat kung pakiramdaman muna ang mga tauhan na gumagalaw sa entablado bago ang pagbusisi sa istorya.

    mula kay: blind item.

    • Em El Ar Ji says:

      oo nga no, kung tutuusin ay hindi nga naman sa mga pangyayari nakatututok yung dalawang dula, mas karakter nga. haha, pasensya naman, mas sanay lang talaga akong magsuri ng kwento e. salamat sa pagbabasa at pag-ko-comment! :D sino ka man. haha, blind item pero walang clue! ;D

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Alimuom, Walang Maliw, at Ako at Akdaan.

meta

%d bloggers like this: