Mga Tagapagpabago

16/08/2011 § Leave a comment

Ang pelikulang ‘Transformers: Dark Side of the Moon’ ay umiikot sa nagaganap na mala-civil war sa pagitan ng dalawang paksyon ng mga Transformer: ang Autobots at Decepticons; at ang pagkakadamay dito ng mga Amerikano. Pangunahing sanhi ng tunggalian ay ang, sa palagay ko, matinding kagustuhan ng mga Decepticon – pangunahin ni Sentinel Prime (o marahil ay s’ya nga lamang) – ng lubos na kasarinlan ng mga Transformer mula sa mga tao, na kabaligtaran naman ng nais ng mga Autobots – pangunahin naman ni Optimus Prime – na ang hinahangad ay ang protektahan o pagsilbihan pa nga (kahit na sa kapinsalaan ng kanilang mga kapwa Autobots at Transformers) ang mga Amerikano.

Masasabing pasok sa popular na kultura ang pelikula dahil sa, una ay pagiging agad-agad nitong available (para sa mga may sapat na salapi): mayroong trailer sa mainstream TV channels at mga estasyon ng radyo, ipinapalabas sa kalakhan ng mga malalaking mall sa buong bansa (sa mundo pa nga), at maari ring i-download at mapanood gamit ang internet.

Ikalawa, ay ang pag-cater ng pelikula sa interes ng pangunahing uri na kukonsumo rito. Sa simula pa lamang ay na-establish na ang pagiging middle-class/peti-burges ng bida: sa simula ay kailangang maghanap ng trabaho, kalaunan ay nagtrabaho bilang isang mala-messenger, at hindi man ipinapakita ay may kakayahang buhayin ang sarili (wala namang eksenang nagutom ang bida, o kahit na sinong tauhan), pagtatampok sa mga kotse (ang mga Transformers mismo at ang trabaho ni Carly) na isang pag-aaring uring peti-burges pataas lamang ay may kakayahang magkaroon. Maski na malayo sa pagiging uring pinakanakakarami, ito pa rin ang may pinakamaraming bilang na uri kung ang magiging batayan ay ang kakayahang gumastos para manood ng mahigit-isang-daang-pisong pelikula sa sine (o magbayad ng internet connection).

At ikatlo, ay ang paghahalo-halo sa mga sari-saring kategoryang pampelikula sa pagtatangkang maging relatable sa pinakamalaking bilang ng manonood. Maaring ituring na (1) ‘science fiction’ ang pelikula dahil sa pag-explore nito sa posibilidad ng mga malay na AI na may anthropomorphic hardware/makina, inter-galactic na pagbyahe, extra-terrestrial life, at teleportation; (2) ‘action’ dahil sa pagtatampok nito sa napakaraming labanang gumagamit pa nga ng sari-saring sandata: baril, pasabog, espada, kamao, eroplano, atbp.; (3) ‘romance’ dahil sa pagtutok sa side-story nina Sam at Carly, na kaalinsabay ang daloy ng pangunahing kwentong tungkol sa mga Transformers; (4) ‘comedy’ dahil sa pailan-ilang nakakatawang eksenang madalas ay hatid nung dalawang maliliit na Transformer at, sa isang rasistang paraan, ng “Asian” na katrabaho ni Sam; at (5) ‘historical drama’ dahil sa paggamit sa mga makasaysayang tauhan at kaganapan gaya ng 1960s Space Race, 1969 Moon Landing, Apollo 11 spaceflight, ng dating pangulo ng Amerikang si John F. Kennedy, ng mga astronaut na sina Neil Armstrong, Buzz Aldrin, at Michael Collins.

Kaintri-intriga ang ipinapahiwatig na uri ng moralidad ng ikatlong pelikulang ito sa Transformers franchise. Una ay ipinahiwatig na ayos lamang ang pagpatay basta ang iyong pinapatay ay masama. Kapansin-pansin ito sa background music pa lang ng pagpatay sa Autobots at Decepticons – malungkot at mabigat sa pandinig ang musika sa muntik nang pagpatay kay Bumblebee sa harapan ni Sam, ngunit victorious naman ang tono nang halos minasaker na ni Optimus Prime ang mga Decepticon.

Ngunit hindi pa ito ang pinakakakaiba sa moralidad na ipinepresenta ng pelikula. Sa aking palagay kasi, ang dahilan ni Sentinel Prime para dalhin ang Cybertron sa planetang Earth, kahit na mapatay ang maraming tao sa proseso, ay isa lang naman, sa perspektiba ng isang Transformer na nagmula sa naturang planeta, ay rasyunal – kundi pa nga’y mapagpalaya para sa kanilang mga kalahi! Ika nga n’ya: “In Cybertron, we are gods of our own existence! While in this planet, we are treated as… machines!” Kaya nga, hindi ko makuha ang dahilan ng mga Autobots para pagsilbihan ang mga Amerikano at patayin ang kanilang mga kalahi; para sa akin, ay para itong pagpatay ng mga taong animal rights extremist (kung meron mang ganon) sa mga kapwa nila tao; o di kaya ay katumbas ng pagkakanulo ni Dylan Gould (at ng pamilya niya) sa mga Amerikano!

Nagkasaysay lamang itong lahat nang, sa kapipilit kong maintindihan, mapagtanto kong maari pa lang representasyon ng uring manggagawa ang mga Transformers. Kagaya kasi ng pinaka-aping uri sa ilalim ng kapitalistang ekonomiya ay itinuturing din silang makina lamang – mga pagkukunan ng labor para sa produksyon; at mga alien dala ng matinding alienation sa lipunang may kulturang hindi naman sila nakikita o pinakikinggan. Sa ganitong pagtingin, mahahati ang Transformers sa mga sawa na sa pang-makinang trato at handang kumilos maski pumatay para palitan ang sistemang ito (pagpalit ng Cybertron sa Earth), ang mga Decepticon; at ng mga kontento naman at handa ring pumatay para lang mapanatili ang naturang pag-iral, ang mga Autobot.

Sa natura pa ring pag-intindi ay masasabing ultra-Amerikanismo ang isinusulong ng pelikula. Kasi, muli, ay wala nga namang ibang motibasyon ang mga Autobot para paslangin ang mga kalahi nito kundi para protektahan ang “liberty” ng Amerika (ika nga ni Optimus: “For the sake of liberty, we bring this war to an end.”). Tila ito ang gustong sabihin ng pelikula: anuman ang konteksto ng iyong gagawin, basta para ito sa bansang Amerika (maski na pumatay ka ng mga ka-uri mo), ito ay mabuti – ganito katindi ang makitid na nasyonalismo ng Hollywood; ni hindi pa ito ‘Captain America.’ Sa wakas nga ng kwento, habang nag-bi-victory-speech si Optimus ay makikita ang, bagaman may punit, wumawagayway na bandila ng Amerika.

Kaakibat ng pagbasa sa mga Decepticons bilang mga proletaryadong rebolusyonaryo, sa Autobots bilang mga reaksyunaryong taksil sa uri, at ang pagpapakita ng pelikula ng mensahe na matatalo at hindi magtatagumpay ang mga Decepticons, ay ang pagkalantad ng pangkalatahang reaksyunaryo naman talagang katangian ng buong pelikula. Dahil pa nga sa isang linya ni Sentinel Prime (“How dumb you are Autobots, you simply do not understand that the needs of the many outweigh the needs of the few”) ay nagkaroon pa ako ng palagay, (siguro ay dala lang rin ng kapapanood pa lang ng X-Men: First Class), na ang naturang pelikula ay isa lang rin pinagkakakitaang propaganda ng Amerikanong kapitalismo laban sa “pulang” (pula rin ang kulay ni Sentinel Prime) sosyalismo. Kung tutuusin ay kauna-unawa ang ganitong interpretasyon lalo na’t napaka-negatibo ng pagsasalarawan sa mga Decepticons (maniacal, makasarili, ultimo kulay ay maiitim, bayolente, atbp.).

Dahil dito ay tiyak namang malayo ito sa interes ng masa. Sa simula pa lamang ay naka-cater ang pelikula sa mga kukonsumo ritong peti-burges na, gaya nga ng nabanggit na kanina, ay hindi naman ang kalakhan. At, bukod sa umiilalim nitong pahiwatig na mabuting panatilihin ang mapang-aping “liberty” sa ilalim ng indibidwalistikong kapitalismo (kung saan lubos-lubos na pinahahalagahan ang indibidwal…) sa Amerika, ay maari namang ituring na isang mabutingpahiwatig na kaya lamang mabibigo ang mga Decepticon ay dahil sa pagiging makasarili (isang ugaling pinapaburan nga ng kapitalismo, na sa pelikulang ito ay ikinakaila nito) – mapapaslang naman kasing talaga ni Sentinel Prime si Optimus Prime kung hindi nagpasulsol si Megatron kay Carly na umepal at “agawin” ang pamumuno kay Sentinel: na sa tamang pamumuno at pag-uugali ay hindi mabibigo ang mga Decepticon sa pagsasakatuparan ng pangarap na manirahang hindi parang mga makina sa Cybertron.

[Agosto 4, 2011; para ito sa klase sa Panitikan at Popular na Kultura, may guide questions, gusto ko lang i-share at magnhingi (sana) ng reaksyon kasi hindi ako kumbinsido sa suri, parang OA, haha]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Mga Tagapagpabago at Akdaan.

meta

%d bloggers like this: