Pormalistikong Pagsusuri sa Tulang “Paaralan” ni Axel Pinpin

16/08/2011 § Leave a comment

Marahil ay pamilyar lamang ang pangalang Axel Pinpin bilang isa sa mga bilanggong-pulitikal na kabilang sa Tagaytay 5. Ngunit si Antoy, bukod sa pagiging isang masigasig at magaling na lider-aktibista at organizer, ay isa ring mahusay na manunulat. Ang tula n’yang “Paaralan” ay una kong namalas sa isang forum noong 2009 sa UP – Manila nang ito ay kanayng itanghal. Bagaman napahanga ako ng naturang tula (at sa kanya mismong pagtula), ay hindi ko pa noon kilala si Antoy bilang isang makata. Saka pa lamang ako magiging interisado sa kanyang mga tula nang makakuha ako ng kopya ng koleksyon ng kanyang mga akda, ang “Tugmaang Matatabil: Mga Akdang Isinulat sa Libingan ng mga Buhay.” At dahil sa pulitikal na aspeto pinakamahusay at pinakamay-saysay ang kanyang mga sulatin, nais ko na magsilbing halimbawa ang pagsusuring ito na maski sa porma ay abante ang kanyang mga katha.

Sa simula, sa pagbasa sa pamagat ng tula, ay tila wala ritong bago at kakaiba. Simple at karaniwan lamang ang iisang salitang pamagat nito: Paaralan. Sa isang banda ay bumabagay ito sa simple at pangkaraniwan ding wika ng tula – kumbersasyonal pa nga. Subalit, kabaligtaran naman nito ang taglay nitong lalim. Kakaiba ang tula sa kadahilanang itinuturing na subersibo ang lamanin nito at bago naman sapagkat magaan at halos kaswal ang paghawak nito sa kanyang karaniwa’y seryosong tema.

Walang sukat na sinunod ang tula, subalit mayaman naman ang tula sa internal na tugmaan. Nagkalat ang mga salitang magkakatugma sa bawat saknong. Makikita ito sa pagpansin na ultimo mga scientific name ay nagawan ng paraan na ipagtugma sa ibang mga salita:

“ang ugnayan ng palay (na ang scientific name ay Oryza sativa)

na pinagtatamasaan ng mga panginoong maylupa

sa Pyudalismo,

ang ugnayan ng lansones (na ang scientific name ay Lansium domesticum)

na isinugal nang patalo ng gobyerno sa “malayangkomersyo,”

sa Burukrata-Kapitalismo,”

Bukod sa epektibong paggamit sa malayang taludturan ay epektibo rin ang paggrupo sa mga linya sa tatlong mahahabang saknong na ipinangalan sa tatlong magkakaibang klase (Horti 31, LRP, at Practical Arts). Ang epekto nito, na kung itatambal sa “Paaralan” nitong pamagat, ay tila mga klasrum na nagri-representa naman sa bawat yugto ng kamulatan ng persona. Ito ay isa pa sa mga mapapansin sa bawat pag-usad ng bawat saknong: ang tila-pagkakaroon-ng-gulang ng persona – pag-mature. Pinakamaliwanag ito sa paggamit ng imahe ng alak at inuman; sa unang saknong ay makikita pa ang pagkalulong sa alak, sa kabila ng pagpasok sa klase, ng persona: “pumasok akong pagiray-giray / dahil lango pa ako sa Tanduay.” Sa ikalawa naman ay makikita ang lebel ng kontrol ng persona sa pag-inom, at paggamit dito bilang isa lamang “prente:” “pumasok akong bitbit ang Tanduay at pulutan / para magsilbing prente at gawing disimulado ang pag-aaral.” At sa huli namang saknong: “pumasok akong nagmamartsa;  / hulas sa kalasingan ng burgesya at handa sa agham ng pakikibaka.” ay mamamalas ang tiyak na kontrol dito. Hindi naman sa sinasabi kong pang-isip-bata lamang ang pag-inom, subalit may ganitong epekto ito sa tula.

Alinsabay ng tila pag-mature ng trato sa pag-inom, ay ang unti-unti rin namang paglabas sa apat na sulok ng silid-aralan ng klase. May ganitong epekto dahil sa paggamit sa pangalan ng mga klase sa paggrupo nga sa mga saknong. Ang unang saknong, Horti 31, ay Horticulture 31, isa itong klase sa kolehiyo ng mga kursong may kinalaman sa agrikultura, na itinuturo sa loob ng mga unibersidad. Ang ikalawa naman, LRP, ay Lipunan at Rebolusyong Pilipino, na isa ring kurso, yun nga lamang ay pumapatungkol sa mga ideya at katotohanang hindi itinuturo sa loob ng kadalasa’y reaksyonaryong mga eskwelahan. At ang panghuli, Practical Arts, ay tumutukoy naman sa praktikal na buhay. Sa katunaya’y mas makikita ang paglabas na ito sa literal na pagbabago-bago ng lugar na pinangyayarihan ng bawat klase; una “Sa isang klasrum sa Department of Plant Science,” ikalawa, “Sa isang arkiladong UG-house / sa baryong di-maaring banggitin kung saan,” at ikatlo sa “Sa maraming taniman ng maglulupa at piketlayn ng – hindi Tanduay – / kundi’y Nestle sa Cabuyao,” – halatang-halata ang pag-unlad ng bawat setting.

May isa pang interesenteng bagay tungkol sa pagkakahati-hating ito ng tula –  sa panghuli kasing hati (Practical Arts), ay may dalawang linya ang nakahiwalay. “Tatapusin ko ang diskurso / at kikilalanin ang pangako at katiyakan ng Diktadurya ng Proletaryado.” Ito, ay maaring tignan bilang ang pinaka-matinding pagpapahiwatig ng tula ng paglabas ng estudyante sa kanyang silid-aralan; na wag siyang magpakulong sa mga sulok ng kanyang paaralan.

Pagdating naman sa biswal na istruktura, ay mapapansin ang tila gradwal ding di-pagkakapantay-pantay o kaguluhan ng haba ng mga linya. Ito naman, na alinsunod pa rin sa papalabas-nang-palabas-sa-kwarto na tema, ay maaring basahin bilang pagkilala na ang isinusulong ng tulang pagbabago (“na kapag namukadkad ay tulad ng pumupulang tagumpay – / sa Sosyalismo.” at “Tatapusin ko ang diskurso / at kikilalanin ang pangako at katiyakan ng Diktadurya ng Proletaryado.”) ay may isang mahaba at masalimuot na daanan. Gayunpaman, dahil ang pagkawala ng huling dalawang linya mula sa nai-establish n’yang pagka-kahon, ay may tonong kaparis ng pagluwag ng hininga, marahil ay ito nama’y nagpapahiwatig ng pagiging sapat o worth it ng patutunguhan sa pagtahak sa naturang daan.

Sa ganang akin ay sapat na itong katibayan upang masabi na sa porma pa lamang ay mabigat na ang naturang tula Axel.

(nasa ilalim ang tula na paksa ng pagsusuri)

Paaralan
ni Axel Pinpin

Horti 31:
Sa isang klasrum sa Department of Plant Science
pumasok akong pagiray-giray
dahil lango pa ako sa Tanduay.
Nauutal kong inusal
ang Lycopersicon esculentum,
ang Oryza sativa,
ang Lansium domesticum,
at Hibuscus rosa-sinensis –
nagtapos ako ng kurso
at kinilalang pinaka-promising na mag-aaral ng departamento.

LRP:
Sa isang arkiladong UG-house
sa baryong di-maaring banggitin kung saan,
pumasok akong bitbit ang Tanduay at pulutan
para magsilbing prente at gawing disimulado ang pag-aaral.
Inusal kong parang dasal
ang Imperyalismo,
ang Pyudalismo,
ang Burukrata-Kapitalismo
at Sosyalismo –
nagtapos ako ng pang-masang kurso
at kinilalang napaka-promising ang inaral na dokumento.

Practical Arts:
Sa maraming taniman ng maglulupa at piketlayn ng – hindi Tanduay –
kundi’y Nestle sa Cabuyao,
pumasok akong nagmamartsa;
hulas sa kalasingan ng burgesya at handa sa agham ng pakikibaka.
Matatas kong binigkas sa masa
ang ugnayan ng kamatis (na ang scientific name ay Lycopersicon esculentum)
na ginagawang tomato sauce ng mga kapitalista –
sa Imperyalsmo,
ang ugnayan ng palay (na ang scientific name ay Oryza sativa)
na pinagtatamasaan ng mga panginoong maylupa –
sa Pyudalismo,
ang ugnayan ng lansones (na ang scientific name ay Lansium domesticum)
na isinugal nang patalo ng gobyerno sa “malayang-komersyo,”
sa Burukrata-Kapitalismo,
at ang ugnayan ng gumamela (na ang scientific name ay Hibiscus rosa-sinensis)
na kapag namukadkad ay tulad ng pumupulang tagumpay –
sa Sosyalismo.

Tatapusin ko ang diskurso
at kikilalanin ang pangako at katiyakan ng Diktadurya ng Proletaryado.

[Hulyo 26, 2011; para naman sa klaseng Panunuring Pamapanitikan, nagkaroon ako ng libreng P450-worth na libro dahil dito! haha :D]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Pormalistikong Pagsusuri sa Tulang “Paaralan” ni Axel Pinpin at Akdaan.

meta

%d bloggers like this: