Pagsasa-Filipino sa Bikolanong Epikong “Ibalong”

18/10/2011 § Leave a comment

Isalaysay mo sa aming lahat, Kadungung,
ang makasaysayang panahon ni Handiong,
Tugtugin mo sa iyong pilak na kudyapi
ang mapang-akit na tamis ng Aslong.

‘Pagkat ikaw lamang at wala nang iba
ang makakakanta ng ganda at kariktan
ng misteryong ngayo’y bumabalot
sa pinagpalang lugar na ito.

Gayo’y awitan mo kami, ilahad mo ang kwento
ng magigiting na hari na nakipaglaban
nang hindi natatakot maski sa ahas na si Oryol,
hanggang sa ito’y kanilang madaig.

Ikuwento mo sa amin ang mga pakikipagsapalaran
ng matanda nang si Asog,
ng bata pang si Masaraga,
at ng nilulumot na sinaunang Isarog.

Sa lahat ng taong nakakaalam
ng lawang pinaglibingan sa mabuting si Takay,
ikaw ang mainam, malambing bumigkas
at nakabibihag sa puso ninoman.

Gayo’y awitan mo na kami ngayon;
buong-atensyon kaming makikinig
sa malambing mong awitin, habang nakaupo
rito sa lilim ng punong dao.

Ito ang agad na isinambit ni Kadungung:
Makinig kayo, mga kapwa anak ng Bikol
sa magiting na kasaysayan nitong
matagal nang kaharian ni haring Handiong.

Isang kaharian ang Bicol
na may matatabang lupain,
pinakamagandang kaloob ng kalikasan,
marami ang ani, anuman ang itanim.

Si Baltog ang unang bayaning
nagpaunlad sa kahali-halinang lupaing ito.
Buhat siya sa Botavara at dito na tumira;
siya ay nagmula sa lahi ng Lipod.

Nainis siya sa kanyang pagdating sa Bicol,
pagkat isang gabi’y winasak ng isang mabangis
na baboy-ramo ang mga pananim niyang linsa;
nagngangalit niya itong tinugis.

Kalauna’y naabutan din ito ni Baltog,
dahil wala ang kaniyang sibat, ay sarili
niyang makikisig na bisig ang kanyang
ginamit upang lagutin ang panga nito.

May isang dipa ang bawat panga,
tila ba malalaking karit ang nakaliko
nitong mga pangil, sangkatlo ng haba
ng matibay niyang sibat.

Pagbalik sa kaniyang lupain
ay isinabit niya ang malaking
buto sa puno ng talisay sa Tondol
upang mamasdan ng lahat.

Nagsipag-awitan ang matatandang
mangangaso, pinupuri ang magiting
nilang haring Baltog. Dahil sa namasdang
pangangasong nag-uwi pa ng tropeo.

Dumating ang tribo ng Panikwason
at Asog, minasdan ang walang-kaparis
na dambuhalang baboy-ramong
pinaslang ni Baltog.

Tinawag nila itong Tandayag
ng Burol Lingyon pagkat
katulad nito ang mga halimaw
na sila mismo’y di-maipaliwanag.

Pagkatapos ay dumating na sa Bicol ang
dakilang si Handiong, pati kanyang mga
mandirigma, dala ang paninindigang sila
ang papaslang sa lahat ng mababangis ritong halimaw.

Upang lipulin ang mga ito,
libong labanan ang nilahukan
ng tanyag na si Handiong
laban sa lahat ng mababangis.

Nang kubkubin ng halimaw na may tatlong
lalamunan at isang mata ang sakahan
ni Ponong, ay sampung buwang walang-patid
silang sumalakay hanggang sa ito ay mamatay.

Mga de-pakpak na pating sa ilalim ng dagat,
mababangis at ligaw na kalabaw na
nagdarabog at naninira sa kabundukan,
lahat ito ay kaniyang pinaamo.

Lahat ng higanteng buwayang
sinlaki ng mga bangka, at
ang mababagsik at mapanlinlang na Sarimao
ay nagsipagtago sa Kulasi.

Ang mga serpyenteng may boses na
mapang-aliping gaya ng sa mga sirena,
sa malawak na yungib ng Hantik,
sila ay habangpanahong nakabaon na.

Subalit hindi niya madaig,
sa kabila ng kanyang liksi’t talino,
ang sawang ubod ng talas ang isip,
ang pinakamailap sa lahat, si Oryol.

Si Oryol ay mas maalam kaysa kay Handiong,
ang kaniyang mga mata ay nakahuhumaling,
tila ba masamyo itong kumikilos
at mapang-akit na nanghahamak.

Libong ulit siyang ginapos ni Handiong.
Gamit ang walang-kapantay niyang talino,
si Oryol ay ngumingisi lamang at nangungutya
habang kinakalagan ang sarili sa mga pagkakatali.

Gamit ang matatamis na salita ay
paulit-ulit niyang nalinlang si Handiong.
Dahil dito siya ay binansagang
Oryol, ang dakilang maestro sa panlilinlang.

Mangilang-ulit, nang walang pahinga,
hinalughog ni Handiong ang kagubatan,
inaakalang ang boses ng mga sirena
ay ang tinig ni Oryol.

Mismong ang tanyag na si Herkules,
sa mga misyon niyang nagbigay
sa kanya ng lahat-lahat, ay tiyak na
mabibigo kung hadlangan ng gaya ni Oryol.

Nakakalito man, si Oryol
mismo ay tumulong kay Handiong
na labanan ang mga halimaw
na namemeste sa Kabikulan.

Sabay nilang ginapi ang
mga higanteng buwaya.
Matapos ang labanan,
ni isang galos wala sila.

Ang mga pongo at matsing  na sa pangpang
ay nagmamasid, sa takot at pangamba ay nanginig;
pagkat ang dugo ng pinaslang na buwaya
ay ginawang pula ang Ilog Bikol.

Ang mga mapanggulong unggoy na
kilala ng marami, ay lahat itinaboy
ng dakilang si Handiong patungo sa
sa gabundok na yungib sa Isarog.

Ngayong ligtas na ang paligid, wala nang
halimaw na dapat patayin, ay lumikha
si Handiong ng mas mabubuting batas na
aayon sa mga interes ng kaniyang nasasakupan.

Sa pamumuno ni Handiong ay nagtanim
sila ng mga linsa sa mga burol.
Na naglikha ng malalamang lamang-lupang
sinlalaki ng mga pansol.

At maging sa kapatagan, sila ay
naghasik ng malalagong tipo ng palay.
Na pagkalipas ng ilang siglo
ay kinilala bilang Hinandyong.

Si Handiong ang unang gumawa ng bangkang
may kakayahang tumawid sa Ilog Bikol.
Maliban sa timon at mga sagwan nito
na si Kimantong ang may-likha.

Bukod dito’y si Kimantong din ang kumatha
sa araro, sa suyod, sa pamungkal ng lupa,
sa ganta, maging sa iba pang mga panukat,
sa bolo, sa asarol, at sa pamatok sa kalabaw.

Sabi nila’y ang panghabing
pinaghirapang gawain ni Hablom,
sa pagkabigla ng lahat, ay
ipinagkaloob niya sa haring si Hadiong.

At ang mga paso, koron, kalan,
at iba-iba pang mga kagamitan
naman, ay ginawa ng unanong
tinatawag na Dinahong.

Matagumpay na inukit ni Sural
sa bato ang naiibang sulating
natagpuan nila sa Libon. Ito
naman ay kalaunang kininis ni Gapon.

Nagatayo sila ng mga bahay
na may sari-saring laki.
At pinutol ang mga delikadong
sanga ng banasi at kamagong.

Sa dami ng insektong umaaligid
at sa nakapapasong init ng araw,
ay wala silang ibang tanggulan
kundi sa loob ng muog.

Patas ang patakaran ni Handiong:
Upang pangalagaan kanilang buhay at ngalan,
ang lahat ng tao ay pantay sa batas,
walang pinapaburan, walang idinidiin.

Sa posisyong kanya’y ikinaloob
sa mga alipin at nangangalipin,
paggalang sa lahat ng tao
ang pamana niya’t tagubilin.

At may dumating na pagbaha,
dala ng pwersa ng sinaunang Onos.
Kaya naman, ang itsura ng lupain
ay nagabagong walang-duda.

Ang mga bulkang Hantik, Kulasi,
at Isarog ay nagsipagbuga ng apoy.
Kasabay nito ay naramdaman ang
matinding pagyanig ng buong kalupaan.

Sa tindi ng paglindol
pati dagat ay nagalaw,
nagbunga ng tangway
sa Pasacao ngayo’y matatanaw.

Ang napunit na bahagi ng lupain
ay bumuo sa isla ng Malbogong,
na pinaninirhan ng dalawang aswang
nagngangalang Hilang at Laaryong.

Bumaha sa lugar ng Inarihan
ngunit natigil ang pag-agos nito,
kaya’t hindi na nasakuna pa ang Ponong,
kung saan lumulubog ang araw.

May malaking bundok ang lumubog sa Bato,
na nagbunga ng lawa ng tubig
na ngayon ay pinagkukunan ng mga
taga-Ibalong ng makakaing isda.

Mula sa look ng Kalabangan,
naubos ang mga Dagatnong,
dito naman nagmula ang mga Dumagat
na nanirahan sa Kotmong.

Kalaunan ang kahariang ito ay yumabong
hanggang sa panahon ng batang si Bantong,
isang tapat na kaagapay ng pagod
at matanda nang si Handiong.

Pinagkalooban siya ng isang libong
mandirigma upang paslangin si Rabot,
na kalahating tao, kalahating halimaw,
manlilinlang na salot sa kanilang bayan.

Lahat ng matatapang ay naglakbay;
pagkalapit ng ilan sa lungga ni Rabot,
sila’y naging bato kaagad dala ng
makapangyarihang salamangka nito.

Napansin ng matalinong si Bantong
na si Rabot ay mahimbing matulog.
Wala man lamang kaunting pag-iingat,
siya’y ganitog matulog buong araw.

Kaya’t isang araw habang mataas ang baha,
ay nagtungo nga siya sa lungga
at bago pa man magising at bumangon
itong si Rabot, ay pinugutan siya ni Bantong.

Paglabas ni Bantong ay dumagundong
ang sigawan ng kanyang mga tauhan
umalingawngaw ito sa mga bunga,
at hanggang sa mga kamagong din.

Dinala sa Ligmanan ang bangkay ni Rabot
at nakita ito ng magiting na si Handiong
hindi siya makapaniwala, gitlang-gitla;
emosyong matagal na niyang nailalabas.

‘Pagkat wala pa ritong nakikitang
mas nakadidiring nilalang si Handiong;
kalagim-lagim ang itsura pati
ang ungol nitong dumadagundong.

At dito na huminto si Kadungung.
Sa unang kabanata ng kanilang kasaysayan;
iniwang bukas ang daan para sa pagpapatuloy
nito, na darating sa susunod pang panahon.

 

 

 

 

[2011 pa. Pero ngayon lang in-upload, para sa Filipino 10.1 (Bikolano), maluwag ang pagkakasalin dito, natapos lang sa tulong ng ingles na salin, pero parang okay naman, haha.]

Tagged: , , , , ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Pagsasa-Filipino sa Bikolanong Epikong “Ibalong” at Akdaan.

meta

%d bloggers like this: