Silid

04/06/2012 § Leave a comment

Nakamarka na sa iyong puwit
ang hilera ng mga binarnisang ngipin
na nakapako sa bakal na
kalansay ng upuan;
kagaya ng mga ka-edadan mong
kasabay na inihaharap,
ng iisang braso nitong nakaakbay,
sa malawak at madilim na pisara.
Kanya-kanya kayo ng tangkang
maging kumportable, nagpupumiglas
sa pagkakayapos ng kahoy-bakal
na nilalang, kahit paniwala ninyo’y
walang-silbi ang pagtanggi-
na hindi maaring tumakas.
Sapagkat nakabantay
ang bilugang matang nakasabit
sa parehong pader na kinalalapatan
ng walang-hiyang pisara;
sa labing-dalawang balintataw
nitong taglay ay walang kilos ninyo
ang makasasalisi. Walang tigil
ang pag-ikot ng patpat nitong mga kamay,
walang tigil ang sa inyo’y pagkakasiil-
hindi kayo makaaalis
nang wala ang kanyang pahintulot.
Sa walang-hintong pagbuga nama’y
pinatitigas ng nakatindig na aircon
ang inyong mga isipan.
Pilit pinalalamig ang nag-iinit
ninyong mga ulo
na nanggaling sa labas
ng mga sementong harang
sa inyong
taas at ilalim,
kanan at kaliwa,
harap at likod.
Makinis ang puti nitong pintura,
gaya ng pagkakakulob nito
sa inyong
mga bulong,
mga tanaw,
mga danas,
sa inyo.
Animo’y perpektong tagapagtanggol
mula sa magulong kaayusan.
Walang butas, walang puwang;
bagaman sa isang panig ay may mga
nakapikit na bintanang bulag,
hindi ito maaring buksan.
Maririnig ng magtatangka
ang nakapangririndi nitong pagtutol
mula sa matinding pagkakakapit
ng mga kalawang nito sa
mga alikabok ng pasilyo.
Walang ibang liwanag ang makapapasok
liban ang mula sa apat na mahahabang
bastong nakalambitin sa mababaw
na kisame. Nakaayos ang mga itong
tila apat na daliring anumang
minuto’y maaring tumiklop at sakmalin
ang anumang nalalapatan ng kanilang
kalamlaman.
Sa gitna ng lahat ng ito’y
walang-malay mong tanggap ang
pamanang katwiran:
hindi ka dapat magambala
mainam ‘pag tahimik
lalabas ka lang upang mamudmod
ng katalinihan, ng kaalaman,
ng kawastuhan, ng kaayusan

[late April – early May; habang nasa summer class, at nalulungkot/nadidismaya sa mga bagay-bagay]

Tagged: , , , ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Silid at Akdaan.

meta

%d bloggers like this: