Sa Bawat Babae

04/06/2012 § Mag-iwan ng puna

Sa bawat babaeng
pagod nang magpanggap na mahina,
gayong alam niyang siya ay malakas,
may lalaking
pagod nang magpanggap na malakas
gayong siya ay marupok.

Sa bawat babaeng
pagod nang magtanga-tangahan,
may lalaking
nabibigatang asahan na alam niya ang lahat.

Sa bawat babaeng
pagod nang tawaging
“maramdaming binibini,”
may lalaking
pinagkakaitan ng karapatang
tumangis at maging mayumi.

Sa bawat babaeng
binabansagang tibo
sa tuwing siya’y aktibong nakikilahok,
may lalaking
sa aktibong pakikilahok lamang
mapatutunayan ang kaniyang pagkalalaki.

Sa bawat babaeng
pagod nang magamit sa pagtatalik,
may lalaking
dapat asikasuhin ang kaniyang libog.

Sa bawat babaeng
pinagkaitan ng makabuluhang
trabaho at patas na sahod,
may lalaking
dapat pumasan ng pampinansyang pananagutan
para sa isa pang tao.

Sa bawat babaeng
hindi tinuruan sa mga
pasikot-sikot ng sasakyan,
may lalaking
hindi tinuruan sa
kaluguran ng pagluluto.

Sa bawat babaeng
humahakabang pasulong
sa kaniyang paglaya,
may lalaking
matutuklasang ang daan
tungo sa kanya ring kalayaan
ay bahagyang napadali.

[April 2012; nabasa ko mula sa isang pamphlet hinggil sa “pang-kasariang pagkakapantay,” kaya ni-google ko at natagpuan todits :D]

Advertisements

Pagsasa-Filipino ng mga Salin sa Ingles ng Ilang (Kontra-)Tula ni Nicanor Parra

12/03/2012 § Mag-iwan ng puna

“Binabawi ko ang lahat ng aking binanggit,” ang madalas wikain ng naturang lalaking propesor sa matematika’t pisika sa tuwing siya ay matatapos na magtanghal ng isa sa kaniyang mga (anti-)tula. Ito si Nicanor Parra, ang makatang ang pagtukoy sa sariling panulaan ay anti-panulaan (anti-poetry); at kung gayon ay isang anti-makata (anti-poet). Narito ang ilan sa mga anti-tula (“I Wouldn’t Want to let the Train Go By,” “Roller Coaster,” “No President’s Statue Escapes,” “Litany of the Little Bourgeois,” at “Self-Portrait”) niyang sinikap kong isalin:

Hindi ko Gugustuhing Palampasin ang Tren

Nang hindi ipinaalala ang isang kagamitang
sadyang mapanglarawan pa rin
kahit na tila napaglipasan na sa unang tingin:

Lahat ng iya’y mga diktadurya marikit kong kaibigan:

Maari lamang tayong mamili
sa pagitan ng sa kanila & ng sa atin.

mula sa elegy para kay Luis Oyarzun na Although I Haven’t come Prepared

Roller Coaster

Sa loob ng kalahating siglo
ang tula ay paraiso
ng taimtim na bobo.
Hanggang sa dumating ako
at nagtayo ng roller coaster.
Sumakay ka, kung gusto mo.
Hindi ko kasalanan kung bumaba kang
nagdurugo ang ilong at bibig.

mula sa Antipoems: New and Selected (1985)

Walang Rebulto ng Sinomang Pangulo ang Makaliligtas

Mula sa mga di-nagkakamaling kalapati
Sabi nga noon ni Clara Sandoval:

Alam na alam ng mga kalapating iyan ang kanilang ginagawa.

mula sa Antipoems: How to Look Better and Feel Great

Litanya ng Munting Burgis

Kung nais mong mapunta sa langit
ng munting burgis, dapat mong tahakin
ang daan ng ‘Art for Art’s sake
at lumunok ng maraming laway:
ang paninikluhod ay halos walang humpay

Listahan ng mga dapat mong matutunang gawin:

Masining na itali ang iyong necktie
Ipuslit ang iyong kard sa mga tamang tao
Magpakintab ng makikintab nang sapatos
Konsultahin ang salamin sa dingding
(Harapan at side view)
Lumagok ng isang tagay ng brandy
Pag-ibahin ang viola sa violin
Magpaunlak ng panauhin nang naka-pantulog
Pigilan ang pagbagsak ng iyong buhok
At lumunok ng maraming laway.

Mabuting nasa iyong kit na ang lahat.
Kung ang misis ay mahulog sa iba
Minumungkahi namin ang mga sumusunod:
Mag-ahit gamit ang razor blade
Hangaan ang Kagandahan ng Kalikasan
Maglukot ng isang pirasong papel
Magkaroon ng mahabang usapan sa telepono
Itira ang darts mula sa popgun
Linisin ang kuko gamit ang mga ngipin
At lumunok ng maraming laway.

Kung nais niyang sumikat sa mga pagdiriwang
Ang munting burgis
Ay dapat matutong lumakad sa apat na paa
Kung paanong ngumiti at umatsing nang sabay
Sumuyaw sa bingit ng kawalan
Sambahin ang mga ari ng kantutan
Hubdan ang sarili sa harap ng salamin
Gahasain ang rosas gamit ang lapis
At lumunok ng tone-toneladang laway.

At pagkatapos nitong lahat itanong na rin natin:
Si Hesu Kristo ba’y munting burgis?

Gaya ng ating namalas, kung nais mong maabot
Ang langit ng munting burgis,
Ikaw dapay ay isang matagumpay na sirkero:
Para makarating sa langit,
Ikaw dapat ay isang kahanga-hangang sirkero.

At gaano kawasto siyang tunay na artista
sa nakalilibang na pamumuksa sa mga surot!

Upang makakawala sa malupit na pag-ikot
Minumungkahi namin ang madaskol na pagkilos:

Lumitaw at maglaho
Maglakad habang lumilipad ang kamalayan
Sumaway sa ibabaw ng mga guho
Magduyan ng lolo sa iyong mga braso
Habang nakatitig sa kaniyang mga mata
Itanong ang oras sa taong mamamatay na
Dumura sa iyong palad
Pumunta sa mga sunog nang naka-Americana
Sumugod sa prusisyon ng patay
Tumira ng higit sa babae
Alisin ang takip ng nitso upang makita
Kung sila’y nagpapalago ng mga puno doon
At tumawid mula sa isang bangketa tungo sa kabila
Nang walang paki kung kailan at bakit
…para lang masabi
…kalakip ang kaniyang artistahing bigote
…kalakip ang bilis ng isip…

mula sa Antipoems: New and Selected

Self-portrait

Pakinggan ninyo, tol,
itong nginatngat na dila:
Nagtuturo ako sa isang malabong paaralan,
Nawalan ako ng boses kabibigay ng mga aral
(Kung sa bagay o kung sa wala
naglaan ako ng 40 oras kada linggo.)
Anong palagay mo sa aking gulanit na mukha?
Tiyak na ang makita ako’y nakalulungkot!
At anong masasabi mo sa ilong kong nabubulok
dala ng alikabok ng nagbabalakubak na chalk.
At sa usapin ng aking mga mata, sa tatlong metro
ay hindi ko na makilala ang sarili kong ina.
Ano ang susunod sa akin? Wala!
Winasak ko ang sarili kabibigay ng mga aral:
ang pangit na ilaw, ang araw,
ang kahabag-habag na nakalalasong buwan.

Lahat ng ‘to, para sa ano!
Para walang-kapatawarang magka-tinapay,
makapal gaya ng pagmumukha ng burges
at taglay ang amoy at lasa ng dugo.
Bakit ba tayo isinilang bilang tao
kung maglalaho tayong parang mga hayop!
Dala ng labis na pagtatrabaho, minsan
nakakakita ako ng mga kakaibang hugis sa hangin,
nakakarinig ako ng mga salitang hibang,
halakhak, mga usapang halang.
Masdan ang  mga kamay na ito
at itong mga kukong kasimputi ng multo,
ang iilang buhok na nalalabi,
ang mga mala-impyernong itim na kulubot!
Ano’t-ano man, ako’y tulad mo lang rin,
bata, puno ng magagandang ideya,
natulog akong nagmimina ng tanso
at nagpapakintab ng mga mukha ng diyamante;
Ngayon dinala nila ako rito
sa likod nitong asiwang podium,
minalupit ng paguulit-ulit
ng 500 oras kada linggo.

Autorretrato (Self-portrait), mula sa Poemas y antipoemas

[Marso 10-11, 2012; habang gingawan ng authorial paper ang Latin American writer na si Nicanor Parra at ang kaniyang mga kontra-tula (anti-poem); palagay ko pangit yung karamihan dito dahil di ko naman lubos na gets yung ilang bahagi nung ilang tula – gusto ko lang din talaga ng writing excercise, haha]

Pagsasa-Filipino sa Bikolanong Epikong “Ibalong”

18/10/2011 § Mag-iwan ng puna

Isalaysay mo sa aming lahat, Kadungung,
ang makasaysayang panahon ni Handiong,
Tugtugin mo sa iyong pilak na kudyapi
ang mapang-akit na tamis ng Aslong.

‘Pagkat ikaw lamang at wala nang iba
ang makakakanta ng ganda at kariktan
ng misteryong ngayo’y bumabalot
sa pinagpalang lugar na ito.

Gayo’y awitan mo kami, ilahad mo ang kwento
ng magigiting na hari na nakipaglaban
nang hindi natatakot maski sa ahas na si Oryol,
hanggang sa ito’y kanilang madaig.

Ikuwento mo sa amin ang mga pakikipagsapalaran
ng matanda nang si Asog,
ng bata pang si Masaraga,
at ng nilulumot na sinaunang Isarog.

Sa lahat ng taong nakakaalam
ng lawang pinaglibingan sa mabuting si Takay,
ikaw ang mainam, malambing bumigkas
at nakabibihag sa puso ninoman.

Gayo’y awitan mo na kami ngayon;
buong-atensyon kaming makikinig
sa malambing mong awitin, habang nakaupo
rito sa lilim ng punong dao.

Ito ang agad na isinambit ni Kadungung:
Makinig kayo, mga kapwa anak ng Bikol
sa magiting na kasaysayan nitong
matagal nang kaharian ni haring Handiong.

Isang kaharian ang Bicol
na may matatabang lupain,
pinakamagandang kaloob ng kalikasan,
marami ang ani, anuman ang itanim.

Si Baltog ang unang bayaning
nagpaunlad sa kahali-halinang lupaing ito.
Buhat siya sa Botavara at dito na tumira;
siya ay nagmula sa lahi ng Lipod.

Nainis siya sa kanyang pagdating sa Bicol,
pagkat isang gabi’y winasak ng isang mabangis
na baboy-ramo ang mga pananim niyang linsa;
nagngangalit niya itong tinugis.

Kalauna’y naabutan din ito ni Baltog,
dahil wala ang kaniyang sibat, ay sarili
niyang makikisig na bisig ang kanyang
ginamit upang lagutin ang panga nito.

May isang dipa ang bawat panga,
tila ba malalaking karit ang nakaliko
nitong mga pangil, sangkatlo ng haba
ng matibay niyang sibat.

Pagbalik sa kaniyang lupain
ay isinabit niya ang malaking
buto sa puno ng talisay sa Tondol
upang mamasdan ng lahat.

Nagsipag-awitan ang matatandang
mangangaso, pinupuri ang magiting
nilang haring Baltog. Dahil sa namasdang
pangangasong nag-uwi pa ng tropeo.

Dumating ang tribo ng Panikwason
at Asog, minasdan ang walang-kaparis
na dambuhalang baboy-ramong
pinaslang ni Baltog.

Tinawag nila itong Tandayag
ng Burol Lingyon pagkat
katulad nito ang mga halimaw
na sila mismo’y di-maipaliwanag.

Pagkatapos ay dumating na sa Bicol ang
dakilang si Handiong, pati kanyang mga
mandirigma, dala ang paninindigang sila
ang papaslang sa lahat ng mababangis ritong halimaw.

Upang lipulin ang mga ito,
libong labanan ang nilahukan
ng tanyag na si Handiong
laban sa lahat ng mababangis.

Nang kubkubin ng halimaw na may tatlong
lalamunan at isang mata ang sakahan
ni Ponong, ay sampung buwang walang-patid
silang sumalakay hanggang sa ito ay mamatay.

Mga de-pakpak na pating sa ilalim ng dagat,
mababangis at ligaw na kalabaw na
nagdarabog at naninira sa kabundukan,
lahat ito ay kaniyang pinaamo.

Lahat ng higanteng buwayang
sinlaki ng mga bangka, at
ang mababagsik at mapanlinlang na Sarimao
ay nagsipagtago sa Kulasi.

Ang mga serpyenteng may boses na
mapang-aliping gaya ng sa mga sirena,
sa malawak na yungib ng Hantik,
sila ay habangpanahong nakabaon na.

Subalit hindi niya madaig,
sa kabila ng kanyang liksi’t talino,
ang sawang ubod ng talas ang isip,
ang pinakamailap sa lahat, si Oryol.

Si Oryol ay mas maalam kaysa kay Handiong,
ang kaniyang mga mata ay nakahuhumaling,
tila ba masamyo itong kumikilos
at mapang-akit na nanghahamak.

Libong ulit siyang ginapos ni Handiong.
Gamit ang walang-kapantay niyang talino,
si Oryol ay ngumingisi lamang at nangungutya
habang kinakalagan ang sarili sa mga pagkakatali.

Gamit ang matatamis na salita ay
paulit-ulit niyang nalinlang si Handiong.
Dahil dito siya ay binansagang
Oryol, ang dakilang maestro sa panlilinlang.

Mangilang-ulit, nang walang pahinga,
hinalughog ni Handiong ang kagubatan,
inaakalang ang boses ng mga sirena
ay ang tinig ni Oryol.

Mismong ang tanyag na si Herkules,
sa mga misyon niyang nagbigay
sa kanya ng lahat-lahat, ay tiyak na
mabibigo kung hadlangan ng gaya ni Oryol.

Nakakalito man, si Oryol
mismo ay tumulong kay Handiong
na labanan ang mga halimaw
na namemeste sa Kabikulan.

Sabay nilang ginapi ang
mga higanteng buwaya.
Matapos ang labanan,
ni isang galos wala sila.

Ang mga pongo at matsing  na sa pangpang
ay nagmamasid, sa takot at pangamba ay nanginig;
pagkat ang dugo ng pinaslang na buwaya
ay ginawang pula ang Ilog Bikol.

Ang mga mapanggulong unggoy na
kilala ng marami, ay lahat itinaboy
ng dakilang si Handiong patungo sa
sa gabundok na yungib sa Isarog.

Ngayong ligtas na ang paligid, wala nang
halimaw na dapat patayin, ay lumikha
si Handiong ng mas mabubuting batas na
aayon sa mga interes ng kaniyang nasasakupan.

Sa pamumuno ni Handiong ay nagtanim
sila ng mga linsa sa mga burol.
Na naglikha ng malalamang lamang-lupang
sinlalaki ng mga pansol.

At maging sa kapatagan, sila ay
naghasik ng malalagong tipo ng palay.
Na pagkalipas ng ilang siglo
ay kinilala bilang Hinandyong.

Si Handiong ang unang gumawa ng bangkang
may kakayahang tumawid sa Ilog Bikol.
Maliban sa timon at mga sagwan nito
na si Kimantong ang may-likha.

Bukod dito’y si Kimantong din ang kumatha
sa araro, sa suyod, sa pamungkal ng lupa,
sa ganta, maging sa iba pang mga panukat,
sa bolo, sa asarol, at sa pamatok sa kalabaw.

Sabi nila’y ang panghabing
pinaghirapang gawain ni Hablom,
sa pagkabigla ng lahat, ay
ipinagkaloob niya sa haring si Hadiong.

At ang mga paso, koron, kalan,
at iba-iba pang mga kagamitan
naman, ay ginawa ng unanong
tinatawag na Dinahong.

Matagumpay na inukit ni Sural
sa bato ang naiibang sulating
natagpuan nila sa Libon. Ito
naman ay kalaunang kininis ni Gapon.

Nagatayo sila ng mga bahay
na may sari-saring laki.
At pinutol ang mga delikadong
sanga ng banasi at kamagong.

Sa dami ng insektong umaaligid
at sa nakapapasong init ng araw,
ay wala silang ibang tanggulan
kundi sa loob ng muog.

Patas ang patakaran ni Handiong:
Upang pangalagaan kanilang buhay at ngalan,
ang lahat ng tao ay pantay sa batas,
walang pinapaburan, walang idinidiin.

Sa posisyong kanya’y ikinaloob
sa mga alipin at nangangalipin,
paggalang sa lahat ng tao
ang pamana niya’t tagubilin.

At may dumating na pagbaha,
dala ng pwersa ng sinaunang Onos.
Kaya naman, ang itsura ng lupain
ay nagabagong walang-duda.

Ang mga bulkang Hantik, Kulasi,
at Isarog ay nagsipagbuga ng apoy.
Kasabay nito ay naramdaman ang
matinding pagyanig ng buong kalupaan.

Sa tindi ng paglindol
pati dagat ay nagalaw,
nagbunga ng tangway
sa Pasacao ngayo’y matatanaw.

Ang napunit na bahagi ng lupain
ay bumuo sa isla ng Malbogong,
na pinaninirhan ng dalawang aswang
nagngangalang Hilang at Laaryong.

Bumaha sa lugar ng Inarihan
ngunit natigil ang pag-agos nito,
kaya’t hindi na nasakuna pa ang Ponong,
kung saan lumulubog ang araw.

May malaking bundok ang lumubog sa Bato,
na nagbunga ng lawa ng tubig
na ngayon ay pinagkukunan ng mga
taga-Ibalong ng makakaing isda.

Mula sa look ng Kalabangan,
naubos ang mga Dagatnong,
dito naman nagmula ang mga Dumagat
na nanirahan sa Kotmong.

Kalaunan ang kahariang ito ay yumabong
hanggang sa panahon ng batang si Bantong,
isang tapat na kaagapay ng pagod
at matanda nang si Handiong.

Pinagkalooban siya ng isang libong
mandirigma upang paslangin si Rabot,
na kalahating tao, kalahating halimaw,
manlilinlang na salot sa kanilang bayan.

Lahat ng matatapang ay naglakbay;
pagkalapit ng ilan sa lungga ni Rabot,
sila’y naging bato kaagad dala ng
makapangyarihang salamangka nito.

Napansin ng matalinong si Bantong
na si Rabot ay mahimbing matulog.
Wala man lamang kaunting pag-iingat,
siya’y ganitog matulog buong araw.

Kaya’t isang araw habang mataas ang baha,
ay nagtungo nga siya sa lungga
at bago pa man magising at bumangon
itong si Rabot, ay pinugutan siya ni Bantong.

Paglabas ni Bantong ay dumagundong
ang sigawan ng kanyang mga tauhan
umalingawngaw ito sa mga bunga,
at hanggang sa mga kamagong din.

Dinala sa Ligmanan ang bangkay ni Rabot
at nakita ito ng magiting na si Handiong
hindi siya makapaniwala, gitlang-gitla;
emosyong matagal na niyang nailalabas.

‘Pagkat wala pa ritong nakikitang
mas nakadidiring nilalang si Handiong;
kalagim-lagim ang itsura pati
ang ungol nitong dumadagundong.

At dito na huminto si Kadungung.
Sa unang kabanata ng kanilang kasaysayan;
iniwang bukas ang daan para sa pagpapatuloy
nito, na darating sa susunod pang panahon.

 

 

 

 

[2011 pa. Pero ngayon lang in-upload, para sa Filipino 10.1 (Bikolano), maluwag ang pagkakasalin dito, natapos lang sa tulong ng ingles na salin, pero parang okay naman, haha.]

Where Am I?

You are currently browsing the Salin category at Akdaan.