Palusot sa Pagsuway sa Dress Code

19/12/2010 § 1 Puna

Nitong nakaraan lang ay dumalo ako sa isang debut. Ikatlong debut ko pa lang yata itong dinaluhan. Ang kapuna-puna sa debut na ito, kaya ko s’ya gagawan ng sanaysay, ay ang kahilingan sa lahat ng bisita na dumalo nang naka-pormal. May dress code: formal wear

Halos dalawang oras din ang naging panahon ko noon para maghanda. At naubos iyon kaiisip, kasusukat, at kakahalukay sa mga kabinet, ng anumang pormal na pwede kong isuot. Maaga namang nag-imbita si R (hindi tunay na pangalan ng debutante), pero mayroon lang talaga akong masamang gawi na magpaka-kampante.

Isa lang naman iyong selebrasyon. Walang deadline. Walang grado. Walang gastos. Walang kinabukasang nakasalalay. Papapakita lang ng apresasyon sa labing-walong taong itinagal ni R sa mundo. At kainan. At kwentuhan. Hindi naman kailangang kabahan, ma-excite masyado o ano.

Ang problema nga lang ay naka-“formal” dapat. Sa huli, matapos ang isang oras kaka-hubad-suot ng maluluwag at masikip na mga polo, ay isinuot ko ang violet kong long sleeve (na halos kulay pink na) na s’ya ring isinuot ko noong ikalawang taon ko sa hayskul, para sa JS prom. At kahit mukha akong magsisimba, ay pinanindigan ko na ang suot ko – wala na rin namang mas mabuting pagpipilian. Maski ang itim kong sapatos ay noong hayskul ko pa huling ginamit. Puno na nga iyon ng alikabok at kinailangan ko pang kiskisin para magmukhang matinong sapatos.

Pagkatapos ay may isang oras din kaming naglakad-lakad, sumalo ng usok, at nagpakapawis ng mga kasama ko bago pa tuluyang pumunta sa venue na wala pa sa aming nakakatiyak kung saan.

Pinapasok at nakadalo naman ako doon sa debut.

Hindi nga rin ako makapaniwalang pinapasok ako. Pagsilip pa lang kasi namin sa loob ay parang biglang may portal to another dimension. Mula sa gawa-sa-kahoy na mga bahay na pumapaligid sa venue, ay sumambulat sa amin ang isang mala-pantasyang lugar na nagtataglay ng makukulay na ilaw, mahikal na halimuyak, at kaakit-akit na mga nilalang. Ito, kumpara naman sa akin na pang-simbahan na ang bihis, amoy usok pa ng sasakyan.– hindi bagay. Pagkaupo ko nga sa isa sa mga pabilog at malaking mesa ay napansin ko kaagad ang mga waiter (o anumang tawag sa kanila) na marahil ay mula sa caterer – dahil mas pormal pa ang suot nila kaysa sa akin.

Noong malaman ko pa lang na pormal dapat ang suot sa debut na iyon ay itinatanong ko na sa sarili ko kung para saan nga ba ang pormalidad. O kung ano nga ba ang pormalidad.

Batay sa mga suot ng dumalo sa debut ni R (na long-sleeve, americana, polo, gown, o dress), ay Amerikano ang depinisyon ng “pormal.” Kung tutuusin, ay dapat barong at saya ang suot ng, kundi ng lahat, ng karamihan sapagkat ito nga naman ang pambansa nating kasuotan (na kung iisipin ay galing lang naman talaga sa Kastila). Gayunpaman, wala akong nakitang kahit isang naka-barong o naka-saya. Gusto ko sanang mag-barong, kaya lang wala naman akong ganoon.

Pero kahit na anong pormal na damit ng kahit anong kultura pa ang suot, para saan nga ba? Naalala ko pa noon sa isang klase ko tungkol sa Komunikasyon kung paano kami pinag-pormal ng aming propesor – kasama raw sa ganda ng magiging speech namin ang aming porma. Ang tanong, bakit? Ibig sabihin ba ay mas kapani-paniwala ang naka-americana kaysa naka-sando? Hindi dapat. Kung speech ang pag-uusapan, wala dapat epekto ang bihis ng isang tao. Ang mahalaga doon ay ang kanyang sinasabi at kung paano n’ya ito sinabi. Kaya maraming ring nabibikitama ang mga saleslady at salesman na bumili ng mga produktong kundi lugi sa kalidad ay lugi naman sa presyo, dinadala ng itsura nila ang kanilang produkta, na, kung tutuusin, ay maihahalintulad sa budol-budol gang (ang pinag-iba lang, hindi naman mga saleslady at salesman ang kumikita).

At kung debut naman, hindi rin siguro dapat. Ang esensya naman ng pagdalo sa debut ay pagpapakita nga ng pagpapahalaga sa debutante. Sa ganitong batayan, mas mahalaga pa ang regalo kaysa bihis.

Kung walang halaga ang pormal na bihis para sa pagsasalita at pagdalo sa debut o pagdiriwang ng mga kaarawan, saan nga ba ito may halaga? O mas mainam na tanong, ano nga ba ang halaga ng pormal na bihis? Simbolikong pagkilala. Iyon lang naman. Sa isang lipunang may Amerikanong kultura, ay paborable para sa isang indibidwal na magsuot ng americana sapagkat ito ang katanggap-tanggap, ito ang kinikilalalang tama, wasto.

Kung gayon, ang pagsusuot ng pormal na damit; ng americana, slacks, at itim na sapatos, ay isang uri ng pagkilala sa dominasyong ng kulturang kanluranin sa ating bansa. Kaya sa susunod na maasiwa ka (gaya ko) dahil sa pagsuot ng “pormal” na damit, hubarin mo na lang; kasabay ng paghubad sa amerikanong impluwensya.

[December 19, 2010; siyam na araw matapos iyong mismong debut; medyo watak-watak to, watak-watak rin kasi ang panahon ng pagkakasulat : /]

Advertisements

Masustansya at Masarap

23/10/2010 § 3 mga puna

Sardinas ang hapunan ko kanina. Sa totoo lang, dapat ay porkchop ‘yon pero mas gusto ko yung Ligo Sardines kaya yun ang inulam ko. Habang kumakain ay naalala ko iyong isang babaeng kaklase ko noong hayskul na nagsabing hindi pa s’ya nakatikim ng sardinas.

Hindi ko na maalala kung bakit nagkaroon ng sardinas noon sa school, pero may mga kaklase kasi akong kumakain noon ng bagong bukas na sardinas. Tapos, nakita n’ya, at sabay sabing “ano ‘yan?” Kung tama ang pagkakaalala ko, ay third year high school kami noon – siguro, ay 15-taong gulang kami. Noong mga panahong iyon (at magpasa-hanggang ngayon) ay hindi ako makapaniwala na hindi talaga n’ya alam kung ano man lang ang isang de-latang sardinas. Paanong hindi n’ya iyon malalaman, ang daming komersyal sa TV ng sardinas? Sa mga dyaryo, sa radyo, at pati sa mga kwentuhan. Parang, sa labing-limang taon n’yang pagkabuhay sa Pilipinas ay imposible iyong sinasabi n’ya.

Para maging totoo ang kawalan n’ya ng kaalaman tungkol sa mga sardinas, ay kailangang hindi siya maging siya. Kailangan n’ya maging isang dayuhang nakatira sa dayuhang bansa, sa isang dayuhang panahon! Pero hindi naman s’ya hindi s’ya! Siya ay siya, isang 15-year old na babaeng nakatira sa Pilipinas buong buhay n’ya!

Siguro, kaya n’ya lang binanggit na kunwari (dahil tila-imposible nga) wala s’yang alam tungkol sa mga sardinas ay dahil tinuturing ngang pagkain ng mahirap ang sardinas. Gusto n’ya ng “mayaman” na karakter. Gusto n’yang maging mayaman!

O baka nagiging judgemental lang ako.

Bakit nga ba may pagkaing tinuturing na pangmahirap? Ibig sabihin, may pangmayaman din. Bakit? May lasa ba ang kahirapan at kayamanan?

Napaisip tuloy ako kung ano-anong pagkain pa ang hindi ko pa nalasahan. Starbucks. Hindi pa ako nakatikim ng kahit anong mula sa naturang mamahalin at sikat na tindahan. Hindi pa rin ako nakatikim ng ‘pagpag’ o yung tira-tirang manok mula sa mga fastfood na muling linuto. Hindi pa rin ako nakatikim ng lobster o ng ostrich o ng pating! Madami pa pala akong hindi nalasahan. Pero, kung tutuusin ay marami na rin akong nalasahang pagkain – adobo, kare-kare, sinigang, fishball, kwek-kwek, at marami pang iba.

Bakit nga ba may mga pagkaing hindi pa ako nalalasahan? Starbucks, masyado kasing magastos; pagpag naman, delikado sa kalusugan. Pera at kalusugan pala ang mga salik.

Naiintindihan ko kung bakit salik talaga sa pagpili ng makakain ang kalusugan – dahil ito nga naman ang pangunahing tinutugunan ng pagkain. Kaya tayo kumakain dahil kailangan ng ating katawan ng pagkain – dahil sa kalusugan!

Pero, kalian, paano, at bakit tayo pipili ng pagkain dahil sa pera? Oo, madaling sagutin na para ito sa praktikalidad, kakainin natin kung ano lang ang kaya nating bilhin. Kaya ba may mga kumakain ng pagpag kahit na maari itong makasama sa kanilang kalusugan? Aba’y delikado pala gawing salik ang pera/presyo sa pagpili ng makakakain.

Pero ganito na ang laganap na sistema. Kitang-kita natin kung gaano ka-benta ang mga de-latang ulam, mga instant noodle – mga di-masustansya ngunit murang pagkain.

Ni hindi na mahalaga ang lasa ng pagkain. Sa totoo lang, parang ang presyo na nga ang pinakamahalagang salik sa pagpili. Kung masustansya at masarap, ay bonus na lamang.

Hindi dapat ganito. Nakakalungkot isipin na dahil sa pera, ay nagiiba ang esensya ng mga bagay-bagay (sa kasong ito ay pagkain). Ang pagkain ay hindi na nagiging pagkain per se, nagiging isa na lamang itong produkto, gaya ng lahat ng iba pang bagay, na ang pangunahing layunin ay magpatubo ng kapital.

Hindi dapat ganito. Dapat, bumalik tayo sa saligang saysay ng pagkain. At para ito sa sustansya! Kung hindi pa para magbigay-kasiyahan dahil sa lasa, saysay ng pagkain na magbigay ng sustansya. At dapat, ito ang maging pinakabatayan nating lahat sa pagpili ng makakain. Hindi sa presyo o “karangalang” dala nito.

Mahirap, oo, kung indibidwal lang ang gagalaw. Ang ganitong uri ng pagbabago ay kailangan ng kolektibong pagkilos… Mahirap talaga, pero tama. :P

[Oktubre 18, 2010; sanaysay na kunyari tungkol sa panlasa para sa MP 115; halatang minadali para maihabol sa deadline, haha]

Orosman, Zafira, at Ako

26/08/2010 § Mag-iwan ng puna

Bihira akong manood ng dula (bukod sa wala akong alam tungkol sa mga ito, magastos kasi). At isa sa mga bihirang pagkakataong ito ay nitong nakaraang Agosto 25. Alas-syete ng gabi yung nabili kong tiket para sa dulang Orosman at Zafira, kaya kahit na masyado na akong gabi makakauwi, ay wala akong magagawa – sayang yung 160 pesos na ginastos ko, at yung paper na kailangan. Pero kahit nga gabi na, pagkaakyat ko sa ikalawang palapag ng Palma Hall (dito kasi gaganapin yung dula), ay nagulat ako sa dami ng tao.

Pero sakto lang pala yung mga nagpunta (o, “kinailangang” pumunta), dahil may assigned seats pala sa bawat tiket. At, pagkapasok namin sa loob ay wala namang nawalan ng upuan, sakto nga lang.

Bihira lang akong manood ng dula, at ang pananaw ko tungkol dito ay parang panonood lang rin ng sine, live nga lang – kung saan pwedeng kumain at gumamit ng cellphone. Pero hindi nga pala. Naintindihan ko naman na maaring makasagabal nga yung paggamit ng cellphone, pero bakit pati yung pagkain at paginom?

Pagkasimulang-pagkasimula ng dula ay “ano raw?” ang unang pumasok sa aking utak. Ang lalim kasi para sa akin nung wikang gamit. Parte-parte nga lang yung naiintindihan ko sa mga dialog/lyrics mula sa buong dula.

Bagaman maganda na kakaiba ang pagkakagamit sa wika ng dula, dahil alinsunod ito sa kaibang kultura ng mga karakter na isinasadula ng mga artista, sa kabilang banda’y humihingi ito sa mga manonood ng kaalaman. Kaalaman ukol sa paksa ng kanilang dula. Para sa akin kasi ay hindi mapapahalagahan ng lubos ang naturang dula kung hindi sapat ang iyong kaalaman tungkol nga sa naturang paksa – na nangyari sa kaso ko.

Pagdating sa eksena kung saan unang nagkita sina Orosman at Zafira ay maiisip na ng isang tipikal na manonood ang magiging madugong takbo ng dula at ang maligaya nitong ending. Yung ganitong uri ng kwento kung saan ang pag-ibig sa pagitan ng dalawang nagmamahalan ay hinaharangan ng away sa pagitan ng kanilang mga pamilya (o anumang grupong kinabibilangan) ay ilang ulit na nating nabasa, napakinggan, at napanood; mula sa makalumang Romeo and Juliet ni Shakespeare, hanggang sa pelikulang Troy, hanggang sa karamihan ng telenobela ng Kapuso at Kapamilya networks. “Pag-ibig, pag-ibig, at pag-ibig pa rin” ika nga ng isa sa mga naintindihan kong linya mula sa dula.

Kung ang telenobelang “Kristine” ng ABS-CBN ang modern-pinoy version ng Romeo and Juliet, ang Orosman at Zafira naman ang Islam version nito. Dahil wala nga din naman akong masyadong alam tungkol sa kultura ng mga Muslim (at sa tantya ko, ay kaparis ko ang karamihan sa mga nanonood), saka ko lamang natukoy na Muslim nga sila dahil sa pagkanta ng ilang karakter ng parang isang dasal para kay Allah.

Isa naman sa mga eksenang kinatuwaan ko sa dula ay iyong pag-daan-daan ng bangkang may bata. Dalawang beses lang ito nangyari: isa para sa pagkamatay nung Pacha na ama ni Zafira, at isa para sa mga namatay sa ikatlo at huling labanan. Ang kahalagahan kasi nito sa kasaysayan ay alam ko; isa ito sa mga tradisyon at paniniwala ng ninuno nating Pilipino tungkol sa kamatayan at ang transisyon ng kaluluwa mula sa mundong ito papunta sa mundo ng mga kaluluwa. Kahit na hindi ko sigurado kung bakit bata yung nakasakay, sa tingin ko’y tama naman itong interpretasyon ko.

Kaya mahalaga talaga yung kaalaman bago mapahalagahan ng husto ang naturang dula. Katulad na lang sa kanilang costume. Oo, maganda itong tignan at bagay sa karakter ng bawat tribo ang kanilang pananamit, pero, bilang isang dula tungkol sa sinaunang Muslim, may sinasabi ba ito tungkol sa kanilang kultura? kung meron, ano? ito ay dalawang tanong na hindi ko naman masasgot dahil hindi ko nga naman alam.

Pero, batay sa mga nalalaman ko, hindi eksakto sa kasaysayan ang lahat ng kanilang costume. Kapansin-pansin yung hood ng tribo nila Orosman, kahit na hindi kalianman nagkaroon ng tribong may hood sa Pilipinas. Ang hood kasi, sa pananamit, ay mas karakter sa malalamig na lugar – sa Kanluran. Ang inaccuracy namang ito ay salungat sa iba pang accurate na detalye ng dula, tulad ng pagsusulat sa “balat” ng kawayan, o nung tradisyon sa bangka.

Mahusay yung mga aktor at aktres. Wala na akong masabi sapagkat, bukod sa wala naman akong alam sa pagarte, ay talaga namang mahuhusay sila. At prupesyonal pa nga; bukod sa ilang halikan at isang hubad na eksena, may nahubaran sa isang mga karakter noong isang pagkakataong sila ay sumasayaw, gayunpaman, kahit iyong cycling shorts na lang ang pangibaba n’ya ay patuloy pa rin s’ya sa pagsayaw. Kung tutuusin ay mas gugustuhin ko pa silang panoorin kaysa sa karamihan ng artista sa telebisyong hindi rin naman talaga marunong umarte…

Sa isang banda, ang galing nung tumutugtog na banda. Sa halos bawat eksena ay angkop yung tempo ng kanilang musika. Mahusay man ang kanilang pagkakatugtog, may pagdududa pa rin ako kung bakit modernong instrumento (e.g. electric guitar) ang ginamit at hindi etniko. Hindi ko sigurado kung paano magiging mas maganda ang tunog kung halimbawang kudyapi ang ginamit pero tiyak kong mas bagay ito sa paksa ng dula. Ngunit, muli, may ethnic instruments din namang ginamit, gaya ng kulintang( na kasama ng banda), rain maker (na kunwari’y armas ng tribo nina Zafira), at, yung agung a tamlang (na kunwari nama’y ipit sa buhok ni Zafira).

Sa pangkalahatan, para sa akin, ay hindi ko masyadong nasulit iyong 160 pesos ko. Lalo na sa panahon ngayon; nakakapanood ako ng mahuhusay (sa mensahe, sa pagkakatanghal, sa daloy ng kwento, sa musika, sa historical accuracy, atbp.) na palabas/pelikula/pagtatanghal ng libre. Para sa akin ay wala namang bago sa naturang dula, at tila gumastos ako para lamang punan itong pangangailangan sa klase.

[Agosto 26, 2010; reaction paper para sa Kom 3; palibhasa’y hindi ko alam suriin ang dula kaya yung kwento ang sinuri ko,haha; joke time yung pamagat :P]

Sa Labas ng mga De-wangwang na Sasakyan

15/08/2010 § Mag-iwan ng puna

Noon pa ma’y bihira na akong makarinig ng wangwang. Pero ngayong isa nang utos mula sa pinakamataas na opsiyal sa ating bansa ang bawasan ang paggamit nito, lalong hindi ko na ito naririnig.

Sa isang linggo’y halos anim na beses akong lumalabas ng bahay at nagba-byahe. Anim na beses sa isang linggo’y nararanasan ko ang fx, bus, jeep, o tricycle – ang lansangan. Sa loob ng halos dalawampung oras kada linggo ay umuupo ako at nagaabang na malipat mula sa isang lugar papunta sa isa pa.

Minsan, ang dalawampung oras na ito ay nadadagdagan, bihirang mabawasan. Madalas, habang awtomatikong natutulog sa anumang sasakyang kinasasakyan, ay magigising na lamang ako dahil sa busina ng sari-saring sasakyan sa paligid. Habang nananaginip ako na napapatumbling ko na ang aso namin ay magugulat na lamang ako’t tunog busina ang kahol niya, tapos magugulat ulit akong nakatulog ako sa sasakyan, titingin sa paligid, at ibubulong sa sariling ‘trapik lang pala.’

Hindi ko pa naranasang matrapik dahil sa ilegal na paggamit ng wangwang. O siguro, dahil hindi naman ako nagmamaneho ng sasakyan (dahil wala naman kaming sasakyan) kaya hindi ko pa ito naranasan. Normal bang matrapik nang dahil sa ilegal na wangwang? Pero, ilang beses ba dapat mangyari ang isang pangyayari bago ito itakdang “normal?” Siguro, normal na matrapik dahil sa wangwang para sa mga may sasakyan. Pero, ilan ba ang may sasakyan sa Pilipinas?

Hindi ko pa naranasang matrapik dahil sa ilegal na paggamit ng wangwang. Ang madalas na kasabay ng nakaiinis na mga busina (lalo na yung sa mga trak) ay ang sunod-sunod na pagpatak ng ulan na kaakibat ng nakakagulat pa ring kulog. Minsan ay yung hindi-maintindihang usap-usapan ng mga usisero sa paligid, ng dalawang sasakyang nagkabanggaan, ng isang sasakyang tumaob o bumangga sa poste, o kaya’y sa isang bangkay na nasagasaan ng sasakyang ayaw sa trapik – pero hindi talaga wangwang.

Gusto kong isipin na mahalaga at esensyal para sa pangaraw-araw o pangmatagalang pamumuhay ng mamayang Pilipino ang wastong paggamit ng mga wangwang. Pero, wala akong marinig na karanasang sumusuporta sa ganitong ideya.

Sa kabilang banda, ang madalas kong marinig tuwing ako’y naglalakad, ay sila paring naririnig ko makalipas ang ilang taong nabuhay ako sa mundo at nagpapalit-palit ang mga pangulo. Kasabay pa rin ng karipas ng mga sasakyan sa ilalim ng sementado at bakal na over pass ang minsanang pagtalbog ng barya sa bakal na lata ng mga pulubi. Kasabay pa rin ng umuugong na makina ng bagong tren ng PNR ang hagulgol ng sanggol na hindi makamot ang lahat ng kanyang rashes habang nakahiga sa kanilang kariton sa gilid ng riles. Kasabay pa rin ng katahimikan at kawalang-pakielam ng mga minsan-pa-nga’y-nandidiring pasahero ang nakakamangaha at pakantang pamamalimos ng mga katutubong kabataan.

Bakit hindi ang mga tunog na ito ang ipaalis ng ating pangulo?

Hindi nga pala kasi niya naririnig ang mga naturang tunog, mas naririnig nga pala n’ya, habang nakaupo sa malamig na kotse, ang wangwang.

Gusto kong matuwa dahil nabawasan ang mga sanhi ng trapik (kahit hindi ko ito talagang nararamdaman). Gusto kong isiping at least may positibong nangyari. Kaya lang, ang hina ng boses na ito sa aking isipan. Para lang silang nagaalinlangang bulong kung ikukumpara sa matagal nang umaalingawngaw na sigaw ng kahirapan.

Siguro, bilib na rin ako sa pangulo dahil narinig n’ya iyong tahimik na bulong na iyon kahit na natatabunan na ito ng naghihinagpis na pagsigaw.

Ang MP 177, ang aking degree, at ako

17/07/2010 § Mag-iwan ng puna

Bago ako magsulat, palagi kong itinatanong sa aking sarili kung bakit. Kung bakit ko isusulat ang isusulat ko. Kung bakit ko pipigilan ang masayang paglalaro ng computer games; o hihinto sa panonood ng mga piling programa sa T.V. at YouTube; o ang orgasmic na pagbabasa ng libro, e-book, o artikulo sa internet; at pansamantalang kumalas sa daigdig, magpainit ng bangko, at magsulat?

Madaling isagot na “dahil kailangan.” Dahil kumuha ako ng tatlong MP (Malikhaing Pagsulat) na klase ngayong semestre, at dahil Sertipiko sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino nga naman ang kurso ko.

Gaya ngayon. Pangunahing dahilan naman ng pagsusulat ko ng sanaysay na ‘to, na pinamagatang “Ang MP 177, ang aking degree, at ako,” ay dahil sinabi ng aming propesor na magsulat kami ng sanaysay na may naturang pamagat. Hindi naman ako mahilig sa mahahabang pamagat kaya malamang sa malamang, ay hindi ko gamitin ang pamagat na ito kung hindi kailangan.

Gayunpaman, hindi ko masasabing nagsusulat ako para sa aking mga propesor – o siguro, ayokong magsulat para lang sa kanila. Ayokong isipin, habang nagsusulat, na ang propesor kong nagwawasto ng mga papel ang natatanging magbabasa ng sinusulat ko – na ang kausap ko ay iisang tao lamang.

Lalo namang hindi ko masasabing nagsusulat ako para sa aking sarili. Sa isang banda, maari nga, dahil nagsusulat ako para punan ang mga pangangailangan sa aking mga klase. Pero, ayokong magsulat nang ganito ang isinasaisip. Oo, mahirap iwasang magmadali at ikompromiso ang akda para hindi mahuling magpasa. Pero, ayoko.

Akda… akda nga ba ang pinapasa natin sa mga klase o papel lamang?

Ayokong isiping papel lamang. Marahil ay may maraming pagkakataong papel lang ang ipinapasa ko, pero, gusto ko silang tratuhin bilang mga akda. Ang papel kasi ay teksto na para sa klasrum at sa guro lamang. Pero ang akda, maaring hindi.

Gusto kong isipin na gusto kong magsulat dahil gusto kong mabasa. Gusto kong mapakinggan. Gusto kong magbahagi, magkwento, magsalita. O siguro, iniisip ko na. Gusto kong ang isusulat ko ay magkakaroon ng dating o tatak sa magbabasa. Gusto kong ‘sila’ ang magbabasa at hindi ‘siya.’ Gusto ko silang guluhin, bulabugin.

Gusto kong may saysay ang isusulat ko. Hindi ako naniniwala sa “art for art’s sake.” Pangunahing dahilan ay ang katotohanang iilang tao lang naman ang nagdidikta ng “ganda” sa ganitong paniniwala; at kung sakaling sabihin nilang maganda ang isang tiyak na pagkaka-ayos ng tae, ay magiging artista na ang sinomang tumae at aksidenteng (syempre sasabihin n’yang hindi aksidente) maging ganoon ang ayos.

Pagkatapos kong magsulat, katulad ng karamihan, ay binabasa ko ulit yung naisulat ko. Kasabay nito ang pagtatanong sa sarili kung ‘tama ba ‘yon?, tama ba ‘to?, o sigurado ba?’

Tama naman.

[Hulyo 16, 2010, 11:55pm; para sa MP 177; ang weird lang, kung ano yung nasa isip ko, deretso sa screen XD]

Pitong-daan at Labing-limang Milyang Hakbang

01/07/2010 § Mag-iwan ng puna

Sa tuwing makikita ko ang lawaran n’ya ay nakikita ko rin ang kabataan ko – hindi, ‘ang kamusmusan ko’ pala. Nakalugay at may pink na head band ang kanyang itim at tuwid na buhok; may matipid na ngiti sa kanyang mga labi na nagpasingkit pang lalo ng kanyang mga mata; suot ang uniporme naming pinaghalong puti’t asul, lalong tumingkad ang maputi na niyang kutis; nakatingin s’ya sa akin – hinde, nakatingin lang s’ya sa labas ng kinalalagyang larawan.

Ginupit ko ang mukha n’ya mula sa class picture namin noon. At habang pinagmamasdan ko ang hindi pantay-pantay kong pagkakagupit ay nakikita ko rin kung paano kong isinuksok itong larawang ito sa punda ng aking unan sa paniniwalang mapapanaginipan ko s’ya – sa pagtanda ko’y hindi ko na ito inulit, natutunan ko kasing hindi naman pala kailangan ng larawan para mapanaginipan ang isang tao.

Nakikita ko ang itsura ng pambabaeng uniporme sa eskuwelahan namin noon. Yung asul na palda, puting blouse, yung nakasukbit na ID. Nakikita ko yung mga kalaro kong babae sa agawan base, kung paano tinatangay ng hangin ang kanilang mga palda, kung paano pinilit naming mga lalaki na makita ang kadalasang puti nilang suot sa ilalim nito.

Nakikita ko ang aking sarili habang nakikipagusap sa kan’ya gamit ang telepeno; mula umaga, hanggang tanghali, hanggang gabi, araw-araw, oras-oras. Nakikita ko yung braso sa nakatiklop n’yang manggas t’wing naglalaro kami ng spin-the-bottle; nakikita ko yung maliit na nunal malapit sa kan’yang bibig habang s’ya ay nagkukwento; nakikita ko yung sinasabi n’yang paborito n’yang laruang eroplanong rinegalo n’ya sa akin, na winala ko lang – marahil lumipad din iyon patungo sa ibang lugar, katulad n’ya; nakikita ko s’ya, hindi yung larawan. O baka mas tamang sabihin na ang nakikita ko ay ang dating kami, hindi itong makukulay na tintang idinikit sa makintab na papel.

Binalik ko sa drawer ang larawan at muli ay nabuhay.

[July 1, 2010; para sa MP 115, essay daw nang ‘nakikita;’ hindi ko alam, pero parang may nagbago sa pagsusulat ko, pati yung “Jumper” eh; parang magkahalong maikling kwento tapos sanaysay, sana ngayon lang ‘to haha]

Jumper

30/06/2010 § Mag-iwan ng puna

Maingay na umiikot ang mga de-kuryenteng elesi ng stand fan habang nakatutok sa giniginaw na ako. Itinataboy din nito ang amoy ng pinturang kapapahid lang sa mga sementadong pader. Ako ay nakahiga sa katapat nitong kama. Nalalasahan ko pa ang ginamit kong maanghang na toothpaste bago patayin ang lahat ng ilaw kanina. Ang tanging nakikita ko ay ang ‘glow in the dark’ na mga braso ng wall clock, na nagsasabing mag-a-alas dose na ng umaga.

Pumikit ako’t nakatulog na; o nakatulog muna saka napapikit.

Dahan-dahang huminto sa pag-ikot ang tatlong plastic na elesi; na hindi ko na sigurado kung nakatutok pa rin sa akin. Bigla namang pumreno ang pagtulog ko. Dumilat ako’t sinalubong ng nakapanliliit na kadiliman, kinapa ko ang switch ng ilaw. Hindi sumindi – brown out. Hinanap ko ang mga glow in the dark na braso – alas tres na ng umaga. Tatlong oras na pala ang nakalipas; sa isang kisapmata, sa isang enter.

Hindi ko pa rin halos malaman kung nakadilat ba ako o nakapikit. Pero sa kawalan ng iihip palabas sa mga kemikal mula sa mga pader, nasimulan ko nang maramdaman ang mga pagtusok nito sa aking ilong. Unti-unti na ring sumusulpot ang mga patak ng malalagkit na pawis, dahil sa kawalan ng sapat na bentilasyon. Nawala na rin ang nakasanayan kong mekanikal na ingay. Tila tumigil sa pagsabay sa pagikot ng mundo ang kwarto ko.

Hinubad ko ang suot kong sando at ipinamunas sa pawisan kong katawan. Pagkatapos ay initsa ito sa naalala kong sahig.

Pagkatapos ay biglang sumindi ang ilaw; sa stand fan ko pala naiitsa ang sando ko. Unti-unti na muling umikot ang tatlong de-kuryenteng elesi nito; napangiti ako at naramdaman ang natuyong laway sa paligid ng bibig ko. Inalis ko sa stand fan ang hinubad kong sando at inilagay ito sa sahig. Pinundot ko ang switch para pawiin ang liwanag bago ibagsak ang aking sarili sa higaan.

Kumunot ang noo ko bago muling makatulog; o nakatulog muna bago mapakunot ang noo.

[June 28, 2010; para sana sa MP 173 : / ]

Where Am I?

You are currently browsing the Sanaysay category at Akdaan.