In Defense of Jejemon

12/06/2010 § 4 mga puna

Sikat ngayon ang/mga jejemon.” Iyan ang magiging unang pangungusap ng sanaysay na ‘to, at hindi “Uso ngayon ang/mga jejemon.” dahil, hindi naman talaga ito/sila uso. Kung iisipin nga, mas uso pa na sila ay kontrahin, pagtawanan o kainisan. At hindi naman ganito ang isang usong bagay o tao. Kapag uso, positibo, gusto at mayroon ang karamihan, parang maong pants o cellphone. Kaya “sikat” lang; sa parehong paraan ng kasikatan ni Adolf Hitler at Satanas.

Sa sobrang kasikatan ng mga jejemon ay nanganak na sila ng isa pang “grupo.” At ang tawag ng grupong ito sa sarili nila ay “jejebusters.” Nagu-ugat ang kanilang pagkabuo sa matinding kagustuhang i-bust (o burahin, alisin, puksain, tanggalin, paslangin…) ang mga jejemon.

Pangunahing dahilan ng kagustuhang ito ay ang pagiging iritable nila sa paraan ng pagsusulat/pag-ta-type ng mga jejemon – na s’ya ring pangunahing identidad nila. 6ni2 mG-tyP3 aN9 mH9A J3jeM0n P0Hhwz.~ [Ganito mag-type ang mga jejemon.] Nakakairita nga naman dahil hindi ito madaling maintindihan, saka maari naman silang mag-type nang maayos. Pero, ano naman? Sapat na ba itong dahilan para sabihing mga “bobo” at mga “tanga” sila? At na “nararapat na silang ma-extinct”?

Kapag jejenese (bansag sa “alpabeto” nila) ang binabasa, at hindi maintindihan, ay naiirita, naiinis at nagagalit ang mga jejebuster. Pero paano kaya kung, halimbawa, reseta ng doktor ang hindi nila maintindihan? Paano kung halimbawang hindi na nga maintindihan ang pagkakasulat, ay hindi rin nila maintindihan kung ano nga ba ang kahulugan nung nakasulat? Paano kung matapos ang ilang minuto para i-decode ang reseta ay hindi rin pala nila alam ang kahulugan ng “ketoconazole?” Wala pa namang nababalitang doktor na minura dahil sa reseta, kaya, marahil ay maari nating ipagpalagay na hindi sila magagalit. Palalalain pa natin ang eksena: paano kaya kung may maka-chat silang Pinoy na Japanese characters ang gamit? Magagalit ba sila sa naturang Pinoy, na kahit kaya namang mag-tagalog ay Hapon ang ginagamit? Malamang mairita nga sila sa katagalan, pero sa simula, mas malamang na bumilib pa sila -na pinapatunayan ng kawalan ng negatibong komento sa mga pangalan sa Facebook na naka-japanese characters, at ang pagtangkilik ng marami sa “Your Name in Japanese” na application. O kaya ay ang kamakailan lang na pagsikat ng K-pop. Ang mga jejebuster kaya ay ayaw din sa K-pop? Hindi natin masisigurado, pero siguro alam naman natin kung alin sa dalawa ang mas may positibong feedback…

Isa pang kakatwang halimbawa ng inconsistency na ito ay nagmula sa fan page na “GOTTA KILL ‘EM ALL JEJEMON! :))),” na may mahigit 220,000 fans. Itinuturing kasi nila bilang isang programming language ang “Leet Speak.” Ayon sa fan page: “Leet Speak is different from jeje speak. Leet speak is used by techies.. Leet speak is using alpha numeric symbolic characters to encrypt data and save it. IT IS NOT A JEJE-LANGUAGE.” Para lang linawin, ang leet speak ay iba sa jejemon dahil mas mahirap lang itong basahin – bukod kasi sa magulong ayos ng mga titik at paggamit ng mga numero, ay gumagamit din ito ng mga symbolo (ex: (,),[,^,&,/,\,|, atbp.). At maliban dito ay relatively pareho na sila. Ang leet speak ay nagmula sa salitang “elite” na naung ginamit ng mga “nerd” at “pro-gamers” (hindi programmers) para ma-iba at maiangat sila sa mga “n00bz” na hindi ito naiintindihan. At, pinakamahalaga, hindi ito ginagamit para mag-encrypt o mag-save ng anumang data.

Isa pang hindi gusto ng mga jejebuster ay ang paraan ng pananamit ng mga jejemon. Pinakakilala ang “jejecap,” o yung cap na rainbow-color ang design at bahagya lamang ang pagkakasuot sa ulo. Ang inisyal kong reaksyon dito ay hindi rin maganda, dahil salungat ito sa karaniwang gamit ng isang sombrero, at dahil doon ay medyo naiintindihan ko ang mga jejebuster sa pagtatatwa dito.

Pero bakit sikat si Lady Gaga? Si Lady Gaga rin ay nagsusuot ng mga damit na labas sa karaniwang gamit ng mga ito, hindi ba? (Hindi ko pala masyadong kilala si Lady Gaga kaya si Madonna na lang.) Si Madonna ay nagsusuot ng ala-panty na leotard sa kanyang mga concert, at labas din ito sa karaniwang gamit ng leotard dahil iyo ay ginawa para madaliang kumilos at mapreskuhan ang mga nag-dyi-gymanstics, nag-ba-ballet, nag-i-skating, o sumasayaw. Pero wala namang nagsusumpa kay Madonna dahil dito. Balik tayo kay Lady Gaga, kung tutuusin kasi, ang ka-bonggahan at ang pagiging avant-garde ng pananamit n’ya ay hindi naman maipagiiba sa pagsasabing bongga at avant-garde din ang costume ni Zorro (ng UP Diliman). Pero bakit, katulad ng mga jejemon, walang fans club ang kan’yang fashion sense?

Sa pagkumpara ko ng mga reseta ng doktor, Japanese characters, K-pop, Leet Speak, Lady Gaga, Madonna, at leotards sa mga jejemon, jejenese, jejecap, (at Zorro) ay nalaman kong ang pangunahing pagkakaiba nila ay ang pagiging Kanluranin at pang-mayaman ng mga nauna.

Ang magulong pagkakasulat ng doktor ay tanggap sa kanluran; ang mga medikal na terminolohiya ay nanggaling sa kanluran; ang Japanese characters ay nauuso sa kanluran dahil sa mga Anime; ang K-pop ay ang pagkopya ng mga Koreano sa itsura at tunog ng Hollywood na nasa kanluran; ang Leet Speak ay ang jejemon ng kanluran; si Lady Gaga, at Madonna, ay si Zorro (na marunong kumanta) na nasa kanluran, at ang leotards ay ang jejecap ng kanluran; at, ang pagsulpot jejebusters ay manipestasyon ng kolonyal pa rin nating mentalidad. Ito ang isa sa mga magiging konklusyon ko dahil wala akong ibang makitang dahilan kung bakit hindi kinamumuhian ng mga jejebuster ang mga nabanggit.

Kung kolonyal ang mga jejebuster, siguro ay mas makabayan naman ang mga jejemon. Mas makabayan dahil mas wala ang impluwensya ng ibang bansa – wala naman silang pinaggayahang bansa nito ‘di ba?

At tungkol naman sa pagigigng maka-mayaman ng mga jejebusters: ang mga doktor ay maypera kaya nakapagaral ng maraming taon; ang bansang Hapon ay mas maunlad sa Pilipinas sa kasalukuyan; ang mga Koreano ay mas mukha at mas tunog Hollywood – na kinabibilangan ng mga pinakasikat at pinakamayayamang personalidad; ang Leet Speak ay galing sa Europa at US na mas mayayaman din sa Pilipinas sa kasalukuyan; sina Lady Gaga at Madonna ay dalawa sa pinakamayaman at pinakasikat na mga personalidad sa Hollywood; at ang mga jejebuster ay mga Pilipinong gustong ipamukha sa lipunan ang kanilang posisyon dito. Hindi nagagalit ang jejebusters(o marahil karamihan lang) mga nabanggit dahil mas mataas ang posisyon nila (ng mga doktor, leet speaker, Hapon, Koreano…). Pero ang mga jejemon, na karaniwang binubuo ng kabataang hanggang hayskul lamang ang natapos (ayon sa ibang sanaysay na nabasa ko na tungkol din sa kanila), ay mas mababa ang posisyon, kaya, kaya, maari, at nagagawa ng mga jejebuster na kutyain, pagtawanan, at insultuhin ang mga ito.

Ito rin ang nakikita kong dahilan sa pagpapahayag ng Depertament of Education (DepEd) ng pagtutol sa jejemon. Kung tunay kasing naniniwala sila sa sinasabi nilang nakaka-tanga ang hindi pagsunod ng mga jejemon sa kumbensyonal na barila (grammar), pagbabaybay at paggamit ng mga tanda (punctuation marks) sa mga pangungusap at salita; siguro ay nararapat din na ipatigil nila ang pagtuturo ng free verse poetry na halos nagbubura na ng linya sa pagitan ng prosa at tula; Español, na hindi naman natin wika o wikang unibersal; at abstract art, na nagbubura na din ng linya sa pagitan ng sining at ng isang random na pag-i-scribble sa papel (at mahirap ding intindihin). Pero, dahil ang free verse poetry at abstract art ay kinikilala ng Kanluran; ang Español ay galing mismo doon, at, dahil nga sa kolonyal na pagtingin na at mas tama ang anumang kanluranin, ay hindi sila pinakikielamanan ng mahal nating DepEd (na sa katunaya’y sinusulong pa ang pagbabalik ng Spanish classes).

Ang kaganapang ito ay iyon yatang sinasabi nilang “elitismo” (o ayon lang sa pagkakaintindi ko). Yung pagbibigay ng mga mayayaman at edukado ng kawastuhan at responsibilidad sa kanilang mga sarili; kawastuhan, sa lahat ng kanilang gawi: tamang kaalaman, tamang kultura, tamang itsura, atbp.; at responsibilidad na ilapat ito sa masa. Kaganapang nag-e-endorso ng dibisyon sa lipunan.

Kung tutuusin, simple lang naman ng solusyon sa kainisan ng mga jejebuster; paano ba nila iniiwasang mailto sa abstract art o sa mga librong old English ang wika? Layuan nila. d~ b,~ N0h? AJeJejE

[Hunyo 12, 2010; habang nagkukunwaring nagdiriwang ng kunwaring Araw ng Kalayaan; na-miss ko nang magsulat, ang sarap pa rin! XD]

Advertisements

Open ‘yon

16/05/2010 § Mag-iwan ng puna

Nakita ko sa nazismo ang hayag at masamang epekto ng paniniwalang mayroong ganap at tamang opinyon sa ilang mga bagay; o yung sabi sa Wikipedia ay absolutismo.

Sa ganitong ideyolohiya kasi, ang “pinaniniwalaang ng isang taong subhetibong paniniwala” at ginagawa niyang “obhetibong kaalaman na alam niya.” At dahil dito, nagkakaroon s’ya ng superyor na pagtingin sa kanyang/kanilang sarili, at diskriminasyon para sa ibang “hindi nakakaalam.”

Nakakatawa nga lang na katulad ng nazismo, isa ring ‘bagay’ na may katangiang ganito ay ang pinakamalalakas na relihiyon ngayon sa mundo – Kristyanismo at Islam. Kung matatandaan nga natin, ang holocaust ay para lang mini-Great Flood, at ang motibong paglilinis ng daigdig ay s’yang motibo rin ng Jihad.

At ang isa pang dinulot ng absolutismo sa pagitan ng mga Muslim at Kristyano, at sa pagitan ng mga Aliman atng buong mundo, ay dibisyon. Nagpapakilala ito ng panibago at hindi naman nakakatulong na pagkakaiba.

Tinatangkilik din ng ganitong kaisipan ang katangahan. Yung tipong kahit na ang mga ebidensya ay salungat sa paniniwala, pinipilit pa rin ng naniniwala na tama nga ang paniniwala n’ya dahil iyon nga ay “ganap,” o kaya nama’y sasangguni s’ya sa mysticismo at sasabihing hindi lang talaga natin maintindihan. At dahil dito, nawawalan, nawawalan yung naniniwala ng pagkakataong magbago, naiipit s’ya sa iisang mahinang (salungat sa mga ebidensya eh) paniniwala – na kung iisipin ay parang dogmatismo na rin.

Para sa akin, hindi dapat ganito ang tao. Dapat handa tayong sabihin ang mga paniniwala natin, handang kwestyunin ito ng iba, at, sa kaling mapatunayang mali, handa ring baguhin ito. Dapat batid nating opinyon nga lang ang mga opinyon natin, at maging bukas para sa, kung meron man, ibang mas mabuting opinyon. Ito, opinyon ko lang din ito, pero sa para sa ‘kin kasi, mas mabuti ang mga epekto ng ganitong pananaw…

[May 15, 2010, huling reaction paper!]

[Oye, wala akong maisip na title]

15/05/2010 § Mag-iwan ng puna

Wala pa yata akong nadaluhang rali na wala nung tinatawag na ‘cultural performance.’ Ito yung”intermission number” ng mga palabas sa TV. Kadalasan kanta, pero pwede ring maikling dula, tula, o flag dancing.

Isa sa tumatak sa ‘king rali ay yung naganap noong huling SONA ni GMA, sa Commonwealth – at isang cultural performance din doon ang pinakatumatak sa akin. Ito yung naging pagtatanghal ni Jett Panngan, mula sa The Jerks, ng “Sayaw sa Bubog.” Sa kabila kasi ng matinding pagbuhos ng ulan, malamig at malakas na ihip ng hangin, at “bahang” nagpapadumi sa aming mga paa, ay masaya pa ring nakikisabay ang mga tao sa pagkanta. Parang maliit at simpleng pagpapakita na kahit maraming sagabal, wala dapat makahadlang.

Ang mas malinaw na ipinakita nito ay kung gaano ito kaalam ng mga raliyista. Kapansin-pansin ito dahil hindi naman karaniwang naririnig sa mga radyo o sa mga palabas sa TV ang naturang kanta. Wala ring LCD projector para sa lyrics na kalimitang ginagawa sa mga simbahan. Siguro, dito nate-testiing kung sino na yung madalas sumasama talaga sa mga rali, madalas din kasing imbitahana si Jett Pangan at lagi n’yang kinakanta itong Sayaw sa Bubog.

Pero hindi katulad ng ibang kantang kinakanta sa mga rali na pang-martsa ang tono, yung Sayaw ay tunog “mainstream rock.”

Ngunit hindi pa rin maitatangging isa iyong rebolusyonaryong kanta. Kung pakikinggan kasi yung lyrics, ay matutuklasan na isa iyong pangungutya sa mga naniniwalang pinakamalaking tagumpay na at ganap na pagbabago na ang People Power. Nilatag sa kanta na hindi isang ganap na “pagbabago” ang pagpapalit lamang ng mga tao sa parehong bulok na sistema – sistema mismo dapat ang baguhin…

“Kasinungalingan. Isang kahangalan. Walang libreng kalayaan, ito’y pinagbabayaran. Palabas na Moro-Moro; ito kaya’y totoo? EDSA ng pagbabago, saan kailan, kanino?”

[May 15, 2010; reaction paper uli, late na]

The God that wants to be Human

12/05/2010 § Mag-iwan ng puna

“There is no spoon.” This is on of the many lines from the movie The Matrix. It is also a line that a believer of the theatrical model will probably say.

According to this belief system, each one of us (including animals, plants, bacteria, etc.) are simply characters role-played by an omniscient, omnipotent, and omnipresent god so that he can experience excitement. This is merely a belief and hence unprovable, but even if we assume that the said premise is true, it will only give birth to logical and social problems.

First, if this god is unbound by perception (hence omniscient), therefore it can not possibly feel excitement. The theatrical model fixes this by saying that this world is just an illusion created by the said god, in order to feel excitement (and him being omnipotent made this possible). But again, his omniscience gives him knowledge of everything about this “pseudo-world.” If, in a game of Pacman, you know everything, not just how it works, but EVERYTHING: the position of the ghosts at any specific time, their speed, their route,the exact occurrence of the cherry-bonus, etc.; if you know you’ll win and exactly how, would you still bother playing it for excitement? We are then told that he can switch his omniscience on and off. Therefore, at the time that he is playing this game, he is not omniscient.

Second, if he is also unbound by the laws of physics (hence omnipotent), he also will be unable to feel excitement (which brings into question him being omnipotent in the first place). He will not enjoy, in the same way that you will not enjoy Pacman if you can eat anything at anytime (the ghost, the walls, etc.) – because it would remove from the game the challenge of possibly losing. And so, the model states that this god is, after all, bound by the rules of the “game,” and in effect, is not anymore omnipotent.

Third, if he is unbound by space (hence omnipresent), and is everyone everywhere every time, again, there would be no room for excitement. If in Pacman, you are also the one controlling the ghosts, the bullets, and the walls, would you still feel excited? Or in a better example, would you play chess alone, in hopes of getting excited? It seems, that in order for this god to be excited, he must drop his omnipresence.

And if this god is not omniscient, not omnipotent, and not omnipresent, then why would we call him god? Thinking of it, the previous three paragraphs also disputes almost every characteristic (except omnibenevolence) of the potter’s models’ idea of god.

Lastly, and most importantly, believing in this kind of belief system seems to turn someone more individualistic. As it tells us that life’s ultimate goal is to search for our own and personal excitement/happiness. It does not consider everyone/everything else but the self. If, your happiness is to behead people, you would be right in doing it. And if another’s happiness is to catch people who behead people, he would also be right in doing it. And this is a problem since both of you are right, even if you have conflicting ideas.

Someone believing this system, after reading up to this point, would probably say something like: “okay, if this is your happiness, then so be it.” This is another problem since the belief doesn’t care about anyone or anything else! And not caring tends to promote inequality, injustice, conflicts, ignorance, violence, poverty, discrimination, stasis, and chaos.

If I were the spoon-holding kid talking to Neo at that time, I would have said instead: “There is this is spoon. And there is your will to bend it. Express that will with concrete action and bend this spoon the fastest way – with your arms.”

[May 12, 2010; reaction paper sa Art Stud~]

Wasted Go

11/05/2010 § Mag-iwan ng puna

WG... hm, Walang God? LOL

Walang Gwenta

Walang pasok noong nakaraang May 3, dahil sa holiday economics ni GMA, kaya naman, sinamantala ko ang araw na iyon para makapanoond na ng pelikulang gagawan ng reaction paper. Nagyaya ako ng ilang mga kaibigan na manood sa malapit lang na SM – at sila ang namili ng papanoorin. Maski sa pinakamalala kong bangungot ay hindi ko naisip na mapapanood ko ang Babe, I Love You. Buti na lang at hindi ko nga iyon talaga napanood dahil mas trip ng mga naging kasama ko na panoorin ang “equally beautiful” na Working Girls.

Bago bumili ng mga ticket ay namili muna kami ng kanya-kanyang ngangatain habang nanonood. Pero dahil hindi ba ako nananghalian noon, humiwalay muna ako at bumili ng mga nakakabusog na pagkain. Pagkabalik namin para bumili na ng ticket ay nagulat ako sa binili nila – masyadong madami, isang malaking supot ng SM Supermarket. Tatlo lang naman silang kakain noon. Nagkabiruan pa nga na para silang magtitinda ng pagkain sa loob ng sine. Pagkatapos ay sila naman ang tumingin sa binili ko – at dahil sa hindi ko maintindihang atmospera ay naramdaman kong kailangan kong ipagmalaki/sabihin na malaki din ang aking ginastos. Isangdaan at walumpu’t dalawang piso ang halaga ng binili ko, halaga na para sa akin ay malaki na para lang sa tanghalian at meryenda, pero “ah, naka-isangdaan naman pala” lang ang naging reaksyon nila.

Halos dalawang daang piso para sa pagkain, at isangdaan at tatlumpung piso para sa isang ticket, mga presyong hindi ko naman iniintindi kapag sa bahay lang ako nanonood. Napatanong tuloy ako sa aking sarili kung bakit nga ba naniningil ang mga producer, direktor, at mga artista para sa mga pelikula nila, gayong ayon sa kanila (karamihan), ay para naman sa mga tao ang mga pinagpapawisan nila – gusto daw nilang pasayahin ang mga tao. At nagbigay ng malungkot na sagot ang aking sarili: nagsisinungaling sila, para sa pera ang pelikula.

Hindi ko talaga gustong nanood ng pelikula sa sine, karamihan kasi sa mga pelikulang nasisine ay yung mga sinasabing cliche. At ayaw ko noon, ayokong makapanood ng isa sa daan-daang bersyon ng “iisang” istorya/pormyula. Syempre, bukod sa wala lang talaga akong pera.

Hindi naging maganda para sa akin ang naging mabilis, at hindi man lang kune-kunektadong pagpapalit-palit ng mga eksena sa pelikula – wala nga kasi halos kuneksyon ang mga kwento ng pitong bidang mga babae. Nakakatanga rin ang biglaang pagtatapos ng kwento, halos buong sinehan yata ang napatanong ng “oh, tapos na?” nang bigla nalang tumugtog ang theme song ng pelikula sa “kalagitnaan” ng kwento – ni hindi naresolusyonan ang kwento ng ibang karakter.

Ang pinakaunang karakter na aming inabutan ay yung ginagampanan ni Christine Reyes – s’ya ang ala-pokpok at social climber na si Wendy. Ginagamit ni Wendy ang kan’yang ganda at alindog para makaakit ng mayamang lalaki, na ayon sa kanya, ay ang susi paalis sa kahirapan. Pero naloko lang s’ya sa pelikula. Nakipagkantutan (implied) lamang sa kanya ang lalaking akala n’ya ay nabingwit na n’ya, at pagkatapos ay naging “magkakilala” na lamang sila. Parang sanay na s’ya sa ganitong scenario, nung nalaman n’ya kasi ay halos wala namang bahid ng pagkagulat o matinding sakit/kahihiyan. At isa pa, ang naging “katapusan” lamang ng kanyang kwento ay ang pagkakatagpo niya sa isa pang gwapo at mukhang mayaman na lalaki. Nakakaawa ding itinaboy niya iyong mahirap na lalaking (mukhang) tunay na nagmamahal sa kanya. Ganito na ba kalala ang kahirapan sa Pilipinas, at naging ganito ka-desperado si Wendy? Dumagdag pa sa problema, sa tingin ko, ang mass media. Si Wendy kasi ay maalam sa “higher class” kaya, dahil na rin sa udyok ng media na “ito ang maganda, ganito ang masaya, atbp.,” naging materialistiko si Wendy. Maraming ala-Wendy sa Pilipinas, ngunit hindi niya kasing lala. Ang talagang nakakalungkot lang, ay hindi man lang ipinakitang resulta ito ng kapabayaan ng mass media, at na may pag-asa pang magbago at umunlad ang mga naturang “nabulag” na.

Isa ring social climber ang karakter ni Ruffa Guiterrez, si Marilou, ngunit may kaibahan siya kay Wendy: “papunta pa lang si Wendy, pabalik na si Marilou.” Siya ay isang beauty queen, sa isang hindi kilalang baryo, na nag-asawa ng matandang mayaman. Namatay na ang asawa ni Marilou at nagiwan ito ng isang naluluging kumpanya, ang Peragon. Pilit niya itong itinatayong muli, at ang naging paraan niya ay ang magtanggal ng mga trabahador. Sa totoong mundo, maliliit na manggagawa ang tinatanggal ng mga naluluging kumpanya, pero ang tinanggal ni Marilou ay yung mga “hindi naman kailangan at sobrang” mga executive. Ngunit problematiko pa rin ito dahil ang pinagdusa niya ay yung mga nasa ilalim niya lang – na malamang sa malamang ay ginagawa naman ang kanilang trabaho (kung hinde, dapat tinaggal na sila bago pa malugi yung kumpanya – na pagkakamali pa rin ng management). At ginawa niya ang desisiyon iyon para lamang hindi na siya “maging poor again.” Kinubli rin ang ganitong implikasyon gamit ang pilit na pagpapapatawa ni Ruffa.

Ang karakter naman ni Eula Valdez na si Dra. Cleo ay isang tagapngsulong ng sexismo – ayon na rin sa isang aktibistang karakter. Siya ang Vicky Belo ng pelikula na nagpapakalat ng ideyang kailangang maging ’36-25-36 sexy’ ng babae, sa anumang paraan. Ipinakitang may mga nagpoprotesta laban sa kanya dahil dito (ngunit hanggang sa huli ay hindi ito naresolusyunan). Sa totoong buhay ay sumisikat ang isang tunay na mass leader na s’ya na lagi ang iniinterbyu, at na nagiging personalan na away na ang kanyang pakikibaka (bagay na sa showbiz/politika lang nangyayari). Gayunpaman, ganoon ang ipinakita sa pelikula. Imbes na makipagusap at subukang makipagayos sa mga raliyista, nagplano si Dra. Clea na siraan sa publiko ang kanilang mass leader – na hindi rin epektibo (hindi ipinakita ang reaksyon niya o kung may ginawa pa sya pagkatapos).

Bale gumanti s’ya. kabaligtaran naman ito ng ginawa ng karakter ni iza Calzado na inaruga pa nga ang kanyang “kaaway.” Si Theresa kasi ay isang nars na na-assign alagaan ang mamamatay na nitong karibal – yung naging asawa ng biglang nangiwan niyang ex-boyfriend. Ito lamang ang naging problema niya: isang dillema sa pagitan ng kanyang sarili o kanyang propesyon (sabi na rin ng bespren niya). Pero kung ating iisipin, hindi naman talaga ito isang problema. Para lang s’yang pinapili kung anong gusto niya: bumili ng murang pagkain o magnakaw nito. Ang gusto kasing mangyari ng ilang kakilala ni Theresa ay pabayaan na lang niyang mamatay ang karibal niyang iyon nang magkabalikan na sila ng kanyang ex. Ngunit alam naman nating ang ganitong opsyon ay masama ang epekto, hindi lang sa kanyang propesyon, kundi pati na rin sa kanyang sarili. Hindi ito maganda sapagkat ipinapasa ng pelikula sa mga manonood ang ideyang pag-isipan pa ang ganitong scenario – na gawing opsyon ang pagpatay para sa pansariling emosyon.

Ang naging katapusan ng kwento ni Theresa ay ang kanyang pagpunta sa ibang bansa. Bagay na hindi ko rin nagustuhan dahil pagpupugay ito sa ating pagkaalipin sa ilalim ng mga dayuhan.

Isa pang kakahiwalay lang sa isang relasyon ay ang karakter ni Jennylyn Mercado na si Ada. Iniwan din s’ya ng kanyang nobyo para sa iba, pero, nanatili silang magkaibigan (pati nung bagong nobya). Sa pamamagitan uli ng kanyang karakter ay ipinakita ang sexismo sa ating lipunan; gaya nga ng sabi niya: “parang wala nang nagkakainteres sa akin mula nung nagka-anak ako.” Para sa akin, positibo naman na nagkaroon din s’ya ng karelasyon sa dulo, dahil kahita pa paano ay ipinakitang huwad na basehan ang virginity o pagkakaroon ng anak para sa isang relasyon – kung iisipin, hindi nga naman yung anak o puke ang minahal mo.

Lahat ng nabanggit nang karakter ay tungkol o may kuneksyon sa pag-ibig ang problema, subalit iba ang karakter ni Bianca King dahil wala itong ‘love life.’ Puro tungkol sa trabaho at pamilya ang naging problema niya.

Naging segment producer s’ya sa isang istasyon dahil lang sa pamilya niya. Sa huli ay “pinatunayan” niyang may kakayahan naman s’ya at “karapatdapat” sa naturang posisyon. Ang ganitong eksena ay hindi ko maiwasang ikumpara sa mga political dynasty na nagluluklok ng mga pulitikang saka lang “natututo” kapag nakaupo na. At para sa akin, huwad pa rin ang katuwirang “eh-okay-naman-pala-s’ya” sa naturang sitwasyon. Nilagpasan kasi niya ang prosesong dinaraanan ng lahat at sa gayon, ay nandaya pa rin. Dahil din dito ay inalisan niya ng pagkakataon sa trabaho ang isang mas nangangailangan nito na, kundi mas mahusay, ay kasing husay n’ya.

Ang karakter naman ni Eugune Domnigo na si Paula, ay masasabing ang pinakaiba sa kanilang pito. Bukod kasi sa hindi siya pisikal na balingkinitan at pangit din para sa karamihan, s’ya ang nag-iisang wala man lang kuneksyon sa kahit isa sa anim pang bida. S’ya rin ang pinakasentro ng pinagmamalaking komedya ng pelikula. Gayunpaman, karamihan sa mga eksena niya ay pamilyar na sa atin, at naging kakatwa lamang dahil s’ya ang gumanap. Ang tinutukoy ko ay iyong mga (usually) nakakakilig na eksenang monopolyado ng mga sikat na love team. Kung susuriin, pareho lang naman ang kanilang pilit na acting, ang dramatic at mabagal na background music, at ang romantikong sitwasyon; pero iba pa rin ang datin sa amin.

Nakunsensya ako noong maisip ko kung bakit pala ito nakakatawa: ‘pangit’ ang persepsyon namin kay Eugen Domingo. At lalong nakakakunsensya nung itanong kong “ano naman kung pangit?” Natuklasan kong, sa pananaw naming mga tumawa, para lamang sa magaganda at gwapo ang mga ganitong nakakakilig na eksena – kalokohan/katuwaan lang kapag pangit ang gumanap. Pero ano ba ang kagandahan?

Si Eugene Domingo ay kabaligtaran nina Sarah Geronimo, Kim Chiu, Marian Rivera, at Carla Abellana: mataba, maliit, morena, pango, malaki ang mata, hindi nagsi-sway ang buhok, at kulubot ang mukha. Ginawa ng mga eksenang iyon na mapanghusga ang mga manonood, at sinusportahan ang kanluraning konsepto ng kagandahan na nakabase kay Barbie Doll.

Sa pangkalahatan, hindi ako nagandahan sa Working Girls (“not even close” ika nga). Hindi nito ginawang sulit ang perang nilaan namin para sa kanya. kung tutuusin ay araw-araw naman nating napapanood ang mga palabas na may katulad na kwento – sa porma ng mga telenobela. Ang pinagkaiba lang, yung mga artista, yung kawalan ng literal na commercial ad, at yung lamig. Pakiramdam ko nga, yung lamig ng aircon at lambot ng kutson lang ang binayaran ko.

Kumbaga sa pandesal, putok – akala mo masarap at malaman, yun pala hangin lang ang laman.

[May 4-8, 2010; reaction paper sa Art Stud na humaba ng sobra-sobra]

Versus sa Berso – Deuteronomy 13:6-11

13/03/2010 § 2 mga puna

Hello. Haha, dahil bagong ideya sa akin itong “Versus sa Berso” ko, eto’t sabik na sabik akong magsulat muli.

Ang susuriin kong berso ngayon ay, salungat sa naunang berso, hindi ko pa narinig na gamitin ng kahit na sinong relihiyoso. Masyado nga naman kasi itong brutal…

“6 If your very own brother, or your son or daughter, or the wife you love, or your closest friend secretly entices you, saying, “Let us go and worship other gods” (gods that neither you nor your fathers have known, 7 gods of the peoples around you, whether near or far, from one end of the land to the other), 8 do not yield to him or listen to him. Show him no pity. Do not spare him or shield him. 9 You must certainly put him to death. Your hand must be the first in putting him to death, and then the hands of all the people. 10 Stone him to death, because he tried to turn you away from the LORD your God, who brought you out of Egypt, out of the land of slavery. 11 Then all Israel will hear and be afraid, and no one among you will do such an evil thing again.” – Deuteronomy 13:6-11 (New International Version)

Opo, totoong Mabuting Balita ‘yan. I-check mo muna sa pisikal na Bibliya, gusto mo?

Okay, wala akong makitang kahit anong tama sa bersong ito. Siguro kaya hindi ko pa s’ya narinig na gamitin ng pari o pastro sa pagse-sermon. Natural lang naman siguro iyon. Tulad kung paano natural na, sa mga komersyal sa TV, yung side effects/special conditions ng isang produkto ay sobrang liit at sobrang bilis na “pinapakita” (hindi nga pinapakita).

Pero, hindi porke natural/normal ay tama. Parang yang paniniwala sa isang relihiyon,normal, karaniwan, natural, pero tama ba?

Natatawa na lang ako sa bersong ito dahil pagkanapaka-negatibo niya. Sinasabi nito na patayin mo ang lahat ng kilala (kapatid, asawa, kapatid, at kaibigan) mong nanghihikayat sa’yo na sumamba sa ibang relihiyon – dahil nilalayo ka raw nito sa Kanya. Nakapagtataka lang, ‘di ba mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin na kanyang nilikha? Bakit hindi na lang n’ya ipagutos na i-convert natin yung naturang masamang kakilala para maging katulad natin na Kristyano/Katoliko? Imbes na walang awa natin s’yang pagbabatuhin hanggang sa s’yay mamatay?

At talagang sinadya ng Diyos na pumili ng karumaldumal na paraan para mamatay yung masamang tao na yun (pwede namang saksakin na lang sa puso para mabilis), para daw kasi matakot yung iba at hindi na s’ya gayahin. Wow talaga, makes perfect sense or at least for that tyrant God. Siguro kasi, wala pang United Nations noon na magsasabing karapatang pantao ang buhay, pag-iisip, at pagpapahayag.

O baka dahil Diyos s’ya at tao lang tayo? Na kaya niya pwedeng-pwedeng labagin ang mga karapatang pantao natin ay dahil sa Diyos s’ya? He can do whatever he wants to – ganon? Eh anong pinagkaiba n’ya kina Hitler, Marcos, at Bush? Kung hindi tayo susunod sa gusto nila, eternal damnation. Sila ang may kontrol sa mundong ginagalawan ng mga nasasakupan nila. Halos omniscient din sila dahil sa kani-kanilang intelligence agency. Tapos, sila din ang nagdidikta ng kung anong tama. ‘Di ba, para pala silang D’yos; at nagkataong sila din ay mga diktator na kinokondena ng mga tao. Pero, bakit ang Diyos hindi kinokondena?

Hindi ko lubos maisip kung paano babalewalain ng isang believer ang bersong ito. Tapos uuliting ipilit sa kanyang ulo na “God loves you, God is merciful, God is love” o kung ano-ano pang slogan na nababasa ko sa kung saan-saang sticker.

Ang pinakanakakatakot kong nakita ay yung “God watches you.” Hindi pa nakakapanindig-balahibo yun? Isang Diyos na handang pumatay ng lahat ng susuway sa kanya ay pinagmamasdan ako?

O dahil dun kaya naniniwala ang mga naniniwala? Sa takot. Kung iisipin natin, hindi isang magandang “bond” ang takot (buti sana kung respeto eh). Alalahanin mo yung paborito mong guro noong elementary ka pa – takot ka ba sa kanya? Malamang sa malamang, hinde. Ngayon, alalahanin mo yung terror teacher mo noon – yung kapag maingay ka, pinapasquat ka; kapag wala kang assignment, iniitsa yung kwaderno mo; kapag hindi mo maintindihan yung tinuturo, niya sisigawan ka; yung kapag hindi mo s’ya sinunod, babatuhin ka hanggang sa kamatayan mo. ‘Di ba?

Para sa ‘yong naniniwala dahil sa takot, please lang, hindi kailangan.  Wag mong sayangin ang oras mo dito sa mundo. Sabi nga nung kampanya nung mga anti-theist sa ibang bansa: There’s probably no god, now stop worrying and enjoy your life.

At kahit sige, ipagpalagay nating meron nga, kasamba-samba ba ang ganitong Diyos?

>:(

[Marso 13, 2010; pagkatapos kumain ng almusal na longsilog :D]

Versus sa Berso – John 3:16

10/03/2010 § 2 mga puna

Dahil nairita ako nang sukdulan sa isang Kristyanong ka-koment-an ko sa Facebook, nagkaroon ako ng dahilang isulat ang mga bagay na nakakainis/nakakalungkot/nakakapagtaka/nakakatawa tungkol sa iba’t-ibang berso mula sa Bibliya.

Hindi ko kasalanan kung ikagagalit/ikaiinis/ikasasama ng loob mo ang isusulat ko, opinyon ko ito at opinyon mo ‘yan.  Kung tingin mo ng mali akong sinabi (na hindi ko opinyon; hal. yung berso mismo), paki-comment naman at ng subukan kong itama (salamat!).

Oo nga pala, maraming salamat kay ginoong Christopher Sazon, kung hindi dahil sa kanya ay hindi magkakaroon ng “series” itong blog ko. Tama, magiging “series” ‘to (sana), at sisimulan ko sa pinakanaririnig (o baka para sa akin lang) na berso mula sa Banal na Kasulatan…

“For God so loved the world that he gave his one and only Son, that whoever believes in him shall not perish but have eternal life.”  – John 3:16 (New International Version)

Game~

Palagi ko ‘tong naririnig kapag may pastor o pari na nagse-sermon. Ang gusto yata nilang tukuyin ay kung gaano kamahal ng Kristyanong Panginoon ang LAHAT ng tao (“world” daw eh).

May napanood pa nga akong maikling pelikula na nagpapakita kung paano “sinakripisyo” ng isang ama ang kanyang anak para sa mga taong hindi naman n’ya kakilala. Muntik na sana akong maiyak, kaso biglang sumulpot ang John 3:16. Napakunot na lang tuloy bigla yung noo ko.

[Pakipanood muna ito bago mo ituloy ang pagbabasa, nothing would make sense otherwise.]

Napaka-heroic nga naman nung ginawa ng ama, pero, gusto kong ipaalala sa ating lahat na hindi ganito ang nangyari sa pagitan natin, ng D’yos at ni Kristo.

Unang-una, may kundisyon para hindi mag-“perish” at magkaroon ng “eternal life” – “believe in him.” Samantalang yung ama sa pelikula, hindi sinala o pinili ang laman ng tren, LAHAT sila ay linigtas(lumalabas na mas mabait pa s’ya sa D’yos sa naturang insidente).  Yung sa D’yos, may kundisyon, kaya kung S’ya yung ama na nasa pelikula, marahil may ilang mamatay. Tulad kung paano ako (bilang anti-theist), ang mga Muslim, mga Buddhist, at mga Rizalista ay magpe-“perish” at *insert kabaligtaran ng “pagkakaroon eternal life” here*. Kaya nga napaisip din ako nung makita ko itong bersyon na ito ng John 3:16 mula sa isang hindi ko na matandaang website:

“For God so hated part of the world, that he gave his only Son, that whoever doesn’t believe in him shall perish and suffer in Hell.” – John 3:16 implied meaning (hindi ko na sigurado yung “suffer in Hell” pero parang ganun na din yung gustong sabihin)

Oo nga naman, totoong “sinaad” ng Bibliya ito, sa parehong paraan na hindi mo masasabihing kulay grey (grey naman kahit pa paano ‘di ba?) ang piso nang hindi sinasabing hindi ito kulay pula (o anumang kulay).

Ikalawa, hindi naman talaga “binigay” ng D’yos ang anak n’ya sa parehong paraan ng pagsakripisyo nung ama sa kanyang anak. Si Kristo ay bumalik sa langit, ilang araw “pagkamatay” n’ya, samantalang yung bata ay magpakailanman nang hindi makikita nung ama – NAMATAY nga eh.

Ikatlo, siguro nga’y naging mahirap para sa D’yos na panoorin kung paano tinortyur/inalipusta/pinahirapan/abtp. ang kanyang anak, pero, man, D’yos s’ya. Kaya n’yang gawin lahat, kung gusto n’yang iligtas ang anak n’ya (at “iligtas” ang sangkatauhan sa ibang paraan), kaya n’ya, pero hindi n’ya ginawa. Bakit? Hindi ko rin alam (siguro’y gusto din n’ya ang nangyari). Sa kabilang banda, yung ama sa pelikula ay walang ibang pagpipilian. Mga pasahero o anak n’ya? Trahedya para sa marami o trahedya para lang sa kanya?

Ikaapat, sabihin nating sige, mahal nga ng D’yos ang sanlibutan kaya nya sinugo ang kanyang anak; ano naman? Ilang daang taon nang nakalipas noong “isakripisyo” n’ya (sa sarili n’ya) si Kristo.

Bakit hindi ang mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, atbp. ang ating pagtuunan ng pansin? Sila na ating nakikitang naghihirap, naririnig na sumisigaw; sila din na nagpaparamdam sa atin ng pagkakomportable at nagpapalasa sa atin ng mga pagkain. Bakit imbes na magsimba magdasal, magrosaryo, magpanata (o kung ano pang pagpapakita ng pananampalataya) ay hindi natin sila tulungan? Kung tutuusin ay mas konkreto ang kanilang sakripisyo. Pinahihirapan sila ng sistemang pinagsisilbihan nila.

Bakit ang pagkasalba ng kaluluwa mo pa ang pagkakaabalahan mo?

Hay, nagliliyab yung utak ko dahil sa hindi ko maintindihang pakiramdam…

Ayun. Sige, nasabi ko na ata lahat ng masasabi ko. Haha, bilang pagtatapos, gusto kong ulitin na una, hindi “so loved” ni “God” ang “world” dahil conditional ang kanyang premyo; ikalawa, hindi ni-“give” ni “God” sa “world” ang “one and only Son” niya, pinahiram lang;  ikatlo, desisyon ni “God” ang pag-“give” na ginawa n’ya, at hindi dahil wala na s’yang ibang paraan para “iligtas” ang sangkatauhan; at ikaapat, abstrakto ang sakripisyo ni “God” noon, samantalang ang sakripisyo/paghihirap ng mga magsasaka, mangingisda, at magsasaka ngayon, ay konkreto.

: (

[March 10, 2010, habang nakikinig sa “Foodtrip” ng Radioactive Sago Project, haha~]

Where Am I?

You are currently browsing the Sanaysay category at Akdaan.